Ni: Leonel M. Abasola at Rommel P. Tabbad
Pormal nang sinampahan ng kasong pandarambong sina Senador Richard Gordon at Philippine Red Cross (PRC) Secretary Gwendollyn Pang kaugnay ng umano’y paglustay sa P193-milyon pondo mula sa pork barrel ng senador na inilagak sa PRC na pinamunuan nito noong 2004-2011.
Sa kanyang 22-pahinang reklamo sa Office of the Ombudsman kahapon, sinabi ni Senador Antonio Trillanes IV na kahalintulad ito sa pork barrel scam ni Janet Lim-Napoles.
Ayon kay Trillanes, may conflict of interest nang ilagak ni Gordon ang pork barrel nito sa tanggapan na mismong pinamumunuan nito.
“There is an imperative need for this Honorable Office to investigate the subject alleged anomalous disbursements of the P200 million PRC funds, around P193 million of which came from the PDAF of Sen. Gordon, because if indeed the same were in fact amassed, accumulated and/or eventually utilized or used in support of Sen. Gordon’s candidacy as President in 2010 and as Senator in 2013, there would be a very clear case for the filing of criminal charge for the crime of plunder against Sen. Gordon and Ms. Pang,” saad sa reklamo.
Bukod sa plunder, sinampahan din sina Gordon at Pang ng grave misconduct, malversation, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ipinasisibak din ni Trillanes si Gordon sa Senado at hiniling na huwag na itong bigyan ng pagkakataon na manungkulan sa gobyerno.