Ni: Chito Chavez at Bella Gamotea

Mas matinding paghahanda ang isinasagawa para sa 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, kumpara sa 30th ASEAN Summit noong Abril.

Ito ang ipinahayag ng ASEAN Committee on Security, Peace and Order, and Emergency Preparedness and Response (CSPOEPR), sinabing ginawa na ng gobyerno ang lahat upang matiyak ang tagumpay ng summit.

Ayon kay Chief Supt. Nestor Bergonia, head secretariat ng CSPOEPR, bukod sa pagpapakalat ng mas maraming security at public safety personnel sa Metro Manila, Pampanga at Bulacan, mas pinaigting pa nila ang monitoring, operational at logistical capabilities upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng summit.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

“The government deployed more troops and poured in more resources for the upcoming summit. We have also been preparing for this for more than one year already because there are at least 20 heads of states that are attending the summit and the area of security coverage is wider unlike in the 30th ASEAN Summit when everything is concentrated in Metro Manila,” ani Bergonia.

Sa kabilang banda, pinuri ni ASEAN Synchronized Communications Head, Director Francisco R. Cruz ang lokal na pamahalaan sa pagkakaloob ng suporta sa ASEAN Summit sa pagpapahiram ng logistical requirements gaya ng mga patrol vehicle at ambulansiya.

Inilibot din ng CSPOEPR head secretariat ang mga miyembro ng media sa Multi-Agency Advisory Coordination Center (MACC) na matatagpuan sa Pasay City.

Sinabi niya na ang MACC ang sentro ng operasyon ng ASEAN CSPOEPR, kung saan ang lahat ng 21 miyembro ay nagtatrabaho 24/7.

Aantabayanan din ng MACC ang galaw ng mga delegado mula sa kanilang pagtapak sa paliparan hanggang sa kani-kanilang hotel, hanggang sa summit venues at sa iba pang engagement areas.

WINDOW HOURS SA MGA TRUCK

Samantala, sinabi ni Emmanuel Miro, ng Technical Working Group on Traffic Management, na magkakaroon ng window hours para sa mga truck sa kasagsagan ng truck ban na ipinatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) at North Luzon Expressway (NLEX) mula sa Clark hanggang Balintawak, gayundin sa EDSA mula sa Balintawak hanggang Magallanes.