Nina ELLSON QUISMORIO at MARY ANN SANTIAGO, May ulat ni Bert de Guzman
Mag-resign.
Ito ang mungkahi kahapon ni Anakpawis Party-List Rep. Ariel Casilao sa mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) kung mabibigo ang mga itong ayusin ang serbisyo ng Metro Rail Transit (MRT)-3, kasunod ng pagbasura nito sa kontrata ng palpak na maintenance provider ng mass transit.
“Kung may katotohanan ‘yung kanilang promise and commitment na sinabi nilang maaayos ito after three to six months, at ‘pag mauulit pa rin mga problemang ito, they should pack up,” pahayag ni Casilao sa press conference sa Kamara.
“Mag-resign dapat sila and let other competent [officials] take over,” dagdag pa ni Casilao.
Nitong Lunes, inihayag ng DOTr na kinansela na nito ang kontrata ng Busan Universal Rail Inc. (BURI), ang maintenance provider ng 18-anyos na railway system.
GOBYERNO MUNA ANG MAMAMAHALA
Kahapon, inihayag ng DOTr na pansamantala, habang wala pang bagong maintenance provider, ay ito muna ang mangangasiwa sa MRT.
Una nang sinabi ni DOTr Undersecretary for Railways Cesar Chavez sa mga panayam na sa loob ng anim na buwan ay maisasaayos nila ang serbisyo ng MRT.
“Dapat siguraduhin nila na maayos ang serbisyo nito dahil wala na silang mapagbabalingan ng sisi, dahil out na ang BURI. Gobyerno na ang may pananagutan kung hindi nito maisasayos ang serbisyo ng MRT sa loob ng anim na buwan,” sabi pa ni Casilao.
Ayon kay Undersecretary Chavez, posibleng abutin ng tatlo hanggang anim na buwan ang kanilang pamamahala sa pagpapatakbo ng MRT-3.
“Kami na muna ang magpapatakbo, tatanggapin namin ang pagmumura ng ating mga kababayan, lalo na sa umaga. Ang importante sa amin, ‘di bale kaming murahin, ‘wag lang makitang umiiyak sila dahil lang sa aksidente,” sinabi ni Chavez sa panayam ng radyo.
MAS MABUTI PANG DOTr NA LANG
Sinabi naman ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist Rep. Jericho Nograles na mas mabuti pang DOTr ang mangasiwa sa pagmamantine ng MRT.
Gayunman, binigyang-diin ni Nograles na ang pagtatapos ng kontrata ng gobyerno sa BURI ay hindi sapat sa pagsisikap ng pamahalaan na mapabuti ang serbisyo ng MRT, at dapat na papanagutin ang mga indibiduwal na nasa likod ng P3.8-bilyon maintenance service deal, at kasuhan ang mga ito ng criminal negligence at plunder.
BIDDING
Samantala, binanggit ni Chavez na tatlong malaking kumpanya ang interesado sa maintenance contract sa MRT, na kinabibilangan ng maintenance provider ng Japan, RAPT na maintenance provider ng Light Rail Transit (LRT)-Line 1, at Singapore MRT.
Tiniyak naman ni Chavez na magiging transparent ang pagpili sa bagong maintenance provider.
ABERYA ULI
Kaugnay nito, muli na namang nagkaaberya ang biyahe ng MRT kahapon, nang kasasakay pa lamang ng mga pasahero sa North Avenue Station sa Quezon City ay pinababa ang mga ito, bandang 6:00 ng umaga, dahil sa technical problem.
Binawasan din ang bilang ng mga bumiyaheng tren kahapon, kaya naman tumambak ang napakahabang pila ng mga pasahero sa mga istasyon nito.