Nilinaw ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na kahit sino, ano pa man ang relihiyon o paniniwalang pulitikal, ay maaaring makibahagi sa “Lord, Heal Our Land” prayer gathering sa EDSA Shrine ngayong Linggo, Nobyembre 5.
Binigyang-diin ni CBCP Public Affairs Committee Executive Secretary Father Jerome Secillano na ang aktibidad ay “prayer gathering” at hindi “political event”.
“Prayer doesn’t have to be partisan or be exclusive to a particular religion. Everyone is invited to join the EDSA event on Sunday,” sinabi ni Secillano sa isang panayam. “The gathering is not a political event. It does not aim to undermine anybody.”
Aniya, iginigiit lamang ng aktibidad ang pagnanais ng mamamayan na mapaghilom na ang bansa mula sa hindi magandang naging epekto ng drug war ng gobyerno, partikular na ang serye ng pagpatay, sa pamamagitan ng sama-samang pananalangin.
Ilang grupo na matagal nang bumabatikos sa kampanya ng administrasyong Duterte kontra droga ang nagpahayag ng suporta sa aktibidad, kabilang ang Tindig Pilipinas at Movement Against Tyranny.
Sa isang video message, sinabi rin ni CBCP President Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na ang pagtitipon—na sisimulan sa isang misa sa EDSA Shrine sa ganap na 3:00 ng hapon, at susundan ng maikling prusisyon ng Our Lady of Fatima patungo sa People Power Monument—ay walang bahid ng anumang kulay ng partidong pulitikal o grupo.
“I’m saying this again, November 5 has no color. The color of November 5 is transparency, clarity of vision, unity of heart,” sabi ni Villegas. “We will hold a rally not to shout rather to pray and to whisper in the heart of Jesus to forgive us.”
Ang prayer gathering ang maglulunsad sa serye ng mga aktibidad para sa 33-araw na “Start the Healing” campaign ng Simbahang Katoliko, kung saan hinihimok ang mga Katoliko na magdasal ng Rosaryo hanggang sa Disyembre 8, ang kapistahan ng Immaculate Conception. - Leslie Ann G. Aquino