Sa Moda Center sa Portland, naisalpak ni Damian Lillard ang game-winning triple para sandigan ang Trail Blazers sa nakapigil-hiningang panalo kontra Los Angeles Lakers.
Nagawang mapalobo ng Blazers ang bentahe sa 18 puntos, ngunit nagawang makadikit ng Lakers mula sa 18-10 spurt para sa 66-62 sa halftime.
Sinimulan ni Brandon Ingram ang 18-8 run sa second half para maagaw ng Lakers ang abante sa 80-74. Nagpalitan ng pagbuslo ang magkabilang panig para manatiling dikit ang iskor.
Muling nakaabante ang Blazers sa 110-107 mula sa dalawang free throw ni Jusuf Nurkic may 18 segundo ang nalalabi, ngunit kumabig si Kentavious Caldwell-Pope ng triple para maitabla ang iskor sa 110.
Sa sumunod na play, nakuha ni Lillard ang bola at kaagad na bumitaw sa three-point area may 0.7 segundo sa laro.
Hataw si Lillard sa naiskor na game-high 32 puntos, habang kumubra sina Nurkic at CJ McCollum ng 28 at 22 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna si Brook Lopez sa Lakers (3-5) sa natipang 27 puntos, habang kumana si Kuzma ng 22 puntos.