NI: Mary Ann Santiago

Patay ang magkapatid na umano’y nanghoholdap habang magkaangkas sa motorsiklo, nang makaengkuwentro ang mga rumespondeng tauhan ng Special Weapons and Tactics-Special Reaction Unit (SWAT-SRU) sa Barangay Marikina Heights, Marikina City kamakalawa.

Kinilala ang mga napatay na sina Philip Abergas, 32, at Jun Abergas, 25, kapwa residente ng 18 Tupaz Street, Minahan, Barangay Malanday, Marikina City.

Sa ulat ng Marikina City Police, na ipinadala kay Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Romulo Sapitula, naganap ang engkuwentro sa Tanguile St., Bgy. Marikina Heights, dakong 11:15 ng gabi.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Una rito, sinasabing hinoldap ng mga suspek, na magkaangkas sa motorsiklo, sina Ramien Anthony Pantoja, 35; Mary Antonette Bantigue, 20; at Joan Julian, 23, pawang residente ng Concepcion Uno sa lungsod.

Agad nagpasaklolo sa awtoridad ang mga biktima at nagsagawa ng dragnet operation.

Naispatan ng mga tauhan ng SWAT-SRU ang dalawa sa Marikina Heights at sinita ang mga ito, ngunit sa halip na sumuko ay nanlaban na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Narekober mula sa pinangyarihan ang isang itim na MIO motorcycle, isang .45 caliber, isang .38 caliber na baril, at sling bag na pag-aari ni Pantoja.