Ni: Bert de Guzm
MAS palalakasin ang kapangyarihan ng Games and Amusement Board (GAB) sa pamamagitan ng pagpapalawak sa regulatory powers at supervisory functions sa lahat ng professional sports, mga kahawig na aktibidad at iba pang uri ng laro o amusement.
Bumuo ang House Committee on Games and Amusements na pinamumunuan ni Paranaque City Rep. Gus Tambunting ng isang Technical Working Group (TWG) na mag-aayos sa House Bill 4843 upang palakasin pa ang kapangyarihan ng ahensiya.
Hinirang ng komite si Rep. Mark Aeron Sambar (Party-List, PBA) bilang puno ng TWG na mag-aaral nang husto sa HB 4843 na inakda nina Reps. Rodel Batocabe (Partylist, Ako Bicol) at Winston Castelo (2nd District, Quezon City).
Iminungkahi ni Sambar ang pagrerepaso sa taglay na kapangyarihan at hurisdiksiyon ng Local Government Units (LGUs) at ng GAB hinggil sa gaming activities.
Sinabi naman ni Batocabe na nilalayon ng panukala na mapalawak ang tungkulin at regulatory powers ng GAB bunsod ng pagdami at paglaganap ngayon ng bagong mga paligsahan at iba pang uri ng libangan o amusement ng mga Pilipino.