Ni: Betheena Kae Unite

Nasabat ang P25-milyon halaga ng smuggled goods mula sa apat na bansa sa Asya sa Manila International Container Port (MICP), inihayag kahapon ng Bureau of Customs (BoC).

Sa pag-iinspeksiyon sa mga container, ilang agricultural products, alak, auto at aircraft parts, at iba pang general merchandise ang nakumpiska, ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña.

Labing-isang shipment ang hinarang sa port dahil sa misdeclaration at kawalan ng mga permit, ayon kay MICP District Collector, Atty. Ruby Alameda.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ang mga nakumpiskang produkto ay mula sa China, Vietnam, Singapore, at Guam, dagdag pa ni Alameda.

Ang dalawang shipment, na naka-consign sa JJTS International Trading, ay idineklarang woven pile fabrics ngunit natuklasang naglalaman ng sibuyas.

Apat pang shipment na idineklarang tela at LED lamps ang nadiskubreng naglalaman ng auto parts, glue machanier, peking duck, tissue at sibuyas. Ang lahat ng shipment ay iprinoseso ng customs broker na si Toni Rose Amoyen.

Isa pang shipment ang idineklarang sariwang peras at mansanas na naka-consign sa Malaya Multipurpose Cooperative at iprinoseso ni Mary Faith Duran Miro, ang nadiskubreng naglalaman ng mga sibuyas at carrots.

Ang mga shipment na idineklarang bags, plastic films, fabrics, at papel na consigned sa Zafari Trading ay nadiskubreng naglalaman ng raw tobacco at sigarilyo. Ito ay iprinoseso ni Christian Pacheco dela Cruz.

Nakumpiska rin ang mga naglalaman ng liquors distilled spirits sa halip na liquors at still wines, na iprinoseso ni Norhata Macabato at naka-consign sa Sphere Tucan Enterprise.

Natagpuan naman ang mga gamit ng aircraft at parts sa ibang kargamento na iprinoseso ni Enriquez at consigned sa Greenfive Trading Corporation na nagdeklara lamang na aluminum waste at scrap.

Iniutos ni Lapeña na ang lahat ng kargamento ay isailalim sa seizure at forfeiture proceedings sa paglabag sa mga probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Matapos ang forfeiture proceedings, ang mga general merchandise, fabrics at mga auto parts ay isusubasta sa publiko.