Ni: Genalyn D. Kabiling
Handa si Pangulong Duterte na harapin ang umano’y pagdedemanda ng ilang taga-Marawi City dahil sa pagkawasak ng siyudad, kasunod ng limang-buwang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at ng Maute-ISIS.
Kinilala ng Pangulo ang karapatan ng bawat tao na iasunto ang gobyerno at tiniyak na aakuin niya ang “full responsibility” sa mga idinulot ng pagdedeklara niya ng batas militar sa Mindanao.
“I declared martial law to answer the challenges of the moment and I take full legal, criminal, and civil liability.
Ako ‘yun,” lahad ni Duterte sa press conference bago umalis patungong Japan nitong Linggo ng gabi.
“I hold myself solely responsible for what happened, including what—the things that—the incidents there, the events that transpired. Sabi ko, I take full responsibility for all,” dagdag pa niya.
Ilang residente ng Marawi City ang iniulat na ikinokonsidera ang pagsasampa ng kaso laban sa pamahalaan sa pagkamatay ng mga sibilyan at pagkawasak ng siyudad kasunod ng giyera.
Nais umano ng grupo na papanagutin ang Pangulo sa pagkawasak ng siyudad dahil sa labanan, na nagsimula noong Mayo 23.
“I agree with you that if you have a gripe, and you think that justice should be done,” ani Duterte. “And if they think that the Philippine courts would be prejudiced or biased, they can always go to the International Criminal Court,” dagdag pa niya.
Dahil tapos na ang sigalot sa Marawi, inihayag ng Pangulo na sisimulan na ng gobyerno ang malawakang rehabilitasyon ng siyudad. Sinabi ni Duterte na hihingi siya ng suporta sa Japan para sa pagtatayo muli ng Marawi sa kanyang pagbisita sa Tokyo.
“Japan has advanced the news that they will help in rebuilding Marawi. So, with China, papunta na dito ‘yung equipment nila,” aniya.