Ni MARY ANN SANTIAGO
Walong katao na dadalo sa birthday party ang nasawi nang lumubog ang sinasakyan nilang bangka habang sila ay nagse-selfie sa Laguna de Bay, na sakop ng Binangonan, Rizal, nitong Linggo.
Kabilang sa mga nasawi sina Neymariet Mendoza; Malou Gimena, 39; Marilou Barbo Papa, 44; Frederick Orteza, 43; Weldy Pareño; Rolino Pareño, Jr.; Sean Wilfred Orteza, 6; at Jianna Jensen Pareño, dalawang taong gulang.
Nakaligtas naman sa trahedya ang limang iba pang pasahero ng bangka na sina Grace Pareño, Merlita Hominez, Gerson Decreto, Joash Pareño, 10; at Maxine Orteza, pitong taong gulang.
Ayon kay Dong Malonzo, hepe ng Rizal Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, dakong 1:30 ng hapon nitong Linggo nangyari ang insidente sa isang palaisdaan sa Laguna de Bay, na sakop ng Barangay Wawa, Binangonan.
Sakay umano sa bangka na gawa sa fiber glass at may isang katig lamang ang mga biktima, at papunta sa isang fish pen kung saan ipagdiriwang ang kaarawan ng isa nilang kaibigan, nang mangyari ang trahedya.
Ayon kay Noli Celestro, ng Binangonan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ikinuwento umano ng bangkero na habang sakay ng bangka ay nagkatuwaan ang mga biktima na mag-selfie.
Gayunman, posible umanong dahil sa pagnanais na makasama lahat sa litrato ay hindi napansin ng mga biktima na naipon na sila sa isang gilid ng bangka na walang katig, kaya tumagilid ito hanggang tuluyang tumaob.
Hindi na umano nagawa ng mga biktima na lumutang o lumangoy pa, kahit pawang may suot na life vest, matapos silang ma-trap sa mabigat na fiberglass boat.