Magpapatupad ng traffic plan at rerouting scheme ang Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) sa Maynila upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo ngayong Undas.

Base sa Oplan Kaluluwa 2017 traffic advisory, sinabi ng MDTEU na simula 12:00 ng hatinggabi ng Oktubre 31, lahat ng gate ng sementeryo sa lungsod ay sarado na sa mga pribadong sasakyan.

Isasara rin ang mga kalsada sa paligid ng Manila North Cemetery mula 12:00 ng madaling araw ng Nobyembre 1 hanggang 5:00 ng umaga ng Nobyembre 2, na kinabibilangan ng Aurora Boulevard mula Dimasalang Street hanggang Rizal Avenue; Dimasalang St. mula Makiling hanggang Blumentritt; Guevarra mula Cavite hanggang Pampanga; Blumentritt mula sa A. Bonifacio hanggang P. Guevarra; Retiro mula sa Dimasalang hanggang Blumentritt Extension; at Leonor Rivera mula sa Cavite St. hanggang Aurora Boulevard.

Kasabay nito, magpapatupad din ng traffic rerouting ang MDTEU para sa mga sasakyan, partikular na sa mga pampasaherong jeep, na patungong Manila North Cemetery.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Ang mga magmumula sa Rizal Avenue o sa Blumentritt ay maaaring dumaan sa Cavite, kanan sa L. Rivera o Isagani, at kanan sa Antipolo St., patungo sa kanilang destinasyon.

Ang mga magmumula naman sa Amoranto St. sa Quezon City ay maaaring kumanan sa Calavite at sa Bonifacio.

Ang mga sasakyan mula sa Dimasalang ay kinakailangang kumanan sa Makiling, kanan sa Maceda, diretso sa Maria Clara o sa España.

Ang mga patungo sa La Loma at Chinese Cemeteries mula sa España ay kinakailangang dumaan sa AH Lacson, Tayuman, Blumentritt mula Cavite hanggang Aurora Blvd., patungo sa Rizal Avenue o sa Jose Abad Santos.

Ang mga sasakyang mula naman sa Quiapo, Sta. Cruz, Tondo, at Caloocan ay maaaring dumaan sa Jose Abad Santos o sa Rizal Avenue Extension.

Kaugnay nito, iniulat ni Manila Police District (MPD) Director Police Chief Supt. Joel Napoleon Coronel na aabot sa kabuuang 1,600 pulis ang itinalagang magbantay sa mga sementeryo sa Maynila sa ng Undas, alinsunod sa kautusan ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada. - Mary Ann Santiago