ni Ric Valmonte
NAPATUNAYAN ng Ombudsman na may sapat na batayan para sampahan ng mga kaso sina dating Bureau of Immigration deputy commissioner Al Argosino at Michael Robles kaugnay ng nabigong pangingikil ng P50 milyon kay Macau-based businessman Jack Lam. Inakusahan sila ng panghuhuthot bilang kapalit ng pagpapalaya sa 1,316 na dinakip ng BI dahil sa pagtatrabaho nang walang visa sa Fontana Casino ni Lam.
Ayon sa Ombudsman, nilabag nina Argosino at Robles ang R.A. 7080 o ang batas sa plunder kasama si Asian Gaming Service Providers Association, Inc. President Wenceslao Sombero, Jr. Si Sombero umano ang umasikaso sa kasunduan para kina Argosino at Robles na makapangikil ng P50 milyon kay Lam. Totoo, ayon sa Ombudsman, na nawala ang P1,000 sa P50 milyon na isinuko ng dalawa sa Department of Justice (DoJ), pero hindi ito dahilan upang hindi bumagsak ang kaso sa plunder. Kasi, hindi nila napabulaanan ang deklarasyon ng mga business associates ni Lam na sila ay tumanggap ng P50 milyon kay Lam sa City of Dreams hotel and casino complex noong Nobyembre 27, 2016.
Si dating Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon ay sinampahan naman ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act dahil sa P6.4 bilyon shabu na nakalusot sa BoC. Ang kaso ay inihain sa DoJ. Dapat, aniya, ay sa Ombudsman dinala ang kaso dahil isa siyang opisyal ng gobyerno at mahigit sa 27 ang kanyang salary grade. Pero, ibinasura ang petisyon niyang ito dahil, ayon sa DoJ, ibinibigay ng batas ang jurisdiction sa Regional Trial Court na naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Sen. Leila de Lima. Dahil dito, ang may kapangyarihang magsagawa ng preliminary investigation ay ang DoJ at hindi ang Ombudsman.
Mapalad si Faeldon dahil nasa maginhawa siyang posisyon kaysa kina Argosino at Robles. Ang DoJ ay mabait sa mga opisyal ng gobyerno na malapit sa kasalukuyang administrasyon. Nang mabawasan ng P1,000 ang P50 milyon na umano’y hinuthot ng dalawang associate commissioner kay Jack Lam, baka nakalusot sila sa plunder kung ang DoJ ang tumangan sa kanilang kaso. Una, sa DoJ nawala iyong P1,000. Ikalawa, ka-brod nila fraternity sina DoJ Secretary Aguirre at Pangulong Duterte. Kaya sila naipuwesto ay dahil sa dalawa o kaya ay dahil sa rekomendasyon ni Sec. Aguirre sa Pangulo.
Pero, ang problema sa mga kasong ito ay ang diretsong paghahamon sa katapatan ng Pangulo sa kanyang paulit-ulit na pangako na wawakasan ang katiwalian at droga. Ang mga nahaharap sa mga mabigat na kasong katiwalian at droga ay ang mga mismong taong malapit sa kanya at pinagkatiwalaan niya. Ano kaya ang dahilan at sinuway ng mga taong ito ang Pangulo? Bakit napakalakas ng loob nilang gawin ang ayaw mangyari ng Pangulo sa kabila ng pagiging matapang nito at marami nang napatay sa kanyang war on drugs?