Ni: Beth Camia
Maraming Pilipino ang naniniwala na kasinungalingan ang sinasabi ng pulisya na nanlalaban ang mga drug suspect kaya napapatay ang mga ito.
Lumabas sa resulta ng bagong Social Weather Stations (SWS) survey na nabawasan ang mga Pinoy na naniniwala sa katwiran na ito ng Philippine National Police (PNP).
Nasa 37 porsiyento ang naniniwala na nagsisinungaling ang mga pulis kapag sinabi ng mga itong “nanlaban” ang drug suspect kaya ito napatay.
Ito ay siyam na puntos na mataas sa 28 porsiyento noong Hunyo.
Nasa 17 porsiyento lang ng respondents ang naniniwala na nagsasabi ng totoo ang mga pulis na nanlaban nga ang mga drug suspect kaya napatay, mas mababa ito ng walong puntos sa 25 porsiyento sa SWS survey noong Hunyo.
Habang nasa 45 porsiyento ng mga Pinoy ang nananatiling undecided sa isyu.
Ayon sa SWS, dahil dito ay nasa significant -20 ang net opinion kaugnay ng pagsasabi ng totoo ng pulisya sa pagkamatay ng ilan sa mga suspek sa mga anti-drug operations nito.