Adamson Falcons, bumulusok sa La Salle Archers.
NANINDIGAN ang La Salle Green Archers sa krusyal na sandali para matudla ang Adamson Falcons, 80-74, kahapon at makamit ang ikatlong sunod na panalo sa UAAP Season 80 men’s basketball tournament sa Smart-Araneta Coliseum.
Naisalpak ni Andrei Caracut, bokya sa kabuuan ng tatlong period, ang importanteng three-pointer may 1:38 sa laro para ibigay sa Green Archers ang 74-72 bentahe.
Mula sa sablay na opensa ng Falcons, nakalusot si Santi Santillan sa depensa ni Tyrus Hill para sa apat na puntos na abante ng La Salle may 36.3 segundo ang nalalabi.
Naghabol ang La Salle sa double digit na bentahe ng Adamson sa first half, at nagawang maagaw ang momentum sa krusyal na sandali para mapatatag ang kapit sa ikalawang puwesto tungo sa Final Four tangan ang 8-2 karta.
Nasa unahan ang Ateneo Blue Eagles na may 10-0 karta. Bagsak naman ang Adamson sa 6-4.
Nanatiling abante ang Adamson sa 72-71 mula sa dalawang free throw ni Jonathan Espeleta mula sa unsportsmanlike foul kay Kib Montalbo. Ngunit hindi na nakabawi ang Falcons mula rito.
Nanguna si Ricci Rivero sa naiskor na 17 puntos, habang kumubra si Santillan ng 16 na puntos at 10 rebounds, at tumipa si Ben Mbala ng 15 puntos at 10 rebounds.
Hataw sa Adamson si Jerrick Ahanmisi sa naiskor na 17 puntos, habang kumana si Papi Sarr ng 17 pintos at 12 rebounds.
Iskor:
La Salle (80): Rivero 17, Santillan 16, Mbala 15, Montalbo 10, P. Rivero 7, Melecio 5, Tratter 5, Caracut 3, Baltazar 2, Go 0.
Adamson (74): Ahanmisi 17, Sarr 17, Espeleta 12, Manalang 11, Hill 8, Lojera 3, Manganti 2, Ochea 2, Bernardo 2, Pingoy 0, Zaldivar 0, Mustre 0, Chua 0, Frias 0.
Quarterscores: 13-17; 35-35; 58-54; 80-74.