April 13, 2026

Home BALITA Politics

Tarpaulin ng tambalang Robredo-Dizon, naispatan sa Cebu?

Tarpaulin ng tambalang Robredo-Dizon, naispatan sa Cebu?
Photo courtesy: The Freeman/FB

Nagkalat umano ang ilang tarpaulin ng tambalan nina dating Vice President at ngayon ay Naga City Mayor Leni Robredo at Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon sa ilang lugar sa Metro Cebu para sa 2028.

Sa ibinahaging mga larawan ng The Freeman mula sa kuha ng netizen na si Mitchelle L. Palaubsanon, makikita sa mga naturang tarpaulin ang mga kulay na karaniwang iniuugnay sa dalawang personalidad—pink para kay Robredo at pula naman para kay Dizon. 

Gayunman, walang nakasaad na anumang posisyon, partidong politikal, o direktang banggit tungkol sa nalalapit na halalan.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag sina Robredo at Dizon, maging ang kanilang mga kampo, kung may plano silang tumakbo sa anumang posisyon sa pambansa o lokal na halalan sa 2028.

Matatandaang minsan nang nagkomento sina Robredo at Dizon hinggil sa kanilang kasalukuyang desisyon hinggil sa pag-uugnay sa kanila sa pagtakbo bilang Pangulo at Pangalawang Pangulo sa 2028.

Politics

Mayor Baste, bagong pangulo ng PDP Laban

Ayon sa naging panayam ni Robredo sa media sa Naga City sa naging pagbisita doon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong Pebrero 21, 2026, sinabi niyang nakatakda na raw talagang bumisita si PBBM sa kanilang bayan dahil sa programang Oplan Kontra Baha at “zero chance” umano kung mag-uusap sila tungkol sa politika. 

“Tingin ko wala. Tingin ko zero chance,” pagsisimula niya, “Kasi ang pinunta naman dito ng Pangulo ito [Oplan Kontra Baha] and bago pa pumutok ‘yong mga usapin—bago ‘yong announcement ni VP Sara, naka-set na ito.” 

Dagdag pa niya, “Siguro, hindi maiiwasan na bigyan ng kulay politika pero wala talaga. Ito [ay] programa ng national government. In fact, hindi lang naman ito sa Naga. Isa lang kami sa mga sides na nasa pilot areas at ang alam ko, pinuntahan na ni Presidente ‘yong ibang sides,” saad niya.” 

KAUGNAY NA BALITA: 'Zero Chance!' Mayor Leni, nilinaw na 'di politika ipupunta sa Naga ni PBBM

Samantala, sa hiwalay na pahayag, agaran ding pinabulaanan ni Dizon ang pagkaugnay sa kaniya sa politika sa 2028 nang maurirat siya ng media tungkol dito.

“Nako! 'Wag n'yo kong isasama diyan, nagtatarabaho lang ako dito. Pwede ba 'wag n'yo ko isama sa politika ganiyan?'” ani Dizon.

Hirit pa niya, “Sabi nga ni Presidente, 'Walang politika, trabaho lang.'” 

KAUGNAY NA BALITA: ‘Wag n'yo kong isama!' DPWH Sec. Dizon, umalma sa tambalang 'Leni-Vince' sa 2028