Ni: Bert de Guzman

NGAYONG ang giyera laban sa droga ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ay inalis na sa Philippine National Police (PNP) ni Gen. Bato at inilipat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ilalim ni Police Gen. Aaron Aquino, marahil ay matututukan na ng mga pulis na kilala sa kabangisan sa pagbaril at pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers at users, ang isyu tungkol sa tinatawag na “riding-in-tandem” (RIT) o “magkaangkas sa motorsiklo” (MSM).

Kapag ang pagsupil o pagsugpo sa kawalang-hiyaan at kabangisan ng RIT o MSM ay nagawa ni Gen. Bato, baka sakaling makabangon sa “pagkakalublob” sa kahihiyan ang paboritong Heneral ni Mano Digong sa mga batikos at puna sa Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel dahil sa umano’y extrajudicial killings (EJKs) na kagagawan ng mga pulis sa ordinaryo at nakatsinelas na pushers at users.

Sapantaha kasi ng mga tao na ang bumubuo sa RIT o MSM ay mga kagawad din mismo ng PNP o kaya’y assets ng police, na may hawak ng drug watch list bigay ng mga barangay captain sa kung sino ang mga tulak at adik sa komunidad. ‘Di ba ang sinasalakay ng mga pulis ni Gen. Bato kaugnay ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel ay batay sa mga listahan o drug watch list na kaloob ng mga barangay captain at mga kagawad? Tanong: Sa gayong raids ba ay may naitumbang drug lord o big-time supplier ang mga pulis? Nada.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kung naniniwala si PRRD na maraming barangay sa buong Pilipinas ang sangkot sa illegal drugs, bakit hinarang ng Kongreso (na may basbas niya) ang pagdaraos ng Barangay Elections ngayong Oktubre 2017? Dahil dito, mananatili sa kanilang puwesto ang barangay captains at kagawads sa kanilang mga “trono” gayong puwede naman silang palitan ng bagong mga opisyal kung itinuloy ang halalan.

Sa huling survey ng Pulse Asia noong Setyembre 24-30, 2017, lumilitaw na siyam sa 10 Pinoy o 88% ang suportado ang laban sa droga ng Duterte administration. Gayunman, naniniwala sila na karamihan sa binaril at napatay ng mga pulis ay pawang “extrajudicial killings” o EJKs. Na ang mga napatay ay hindi NANLABAN at ang mga baril na nasa tabi nila ay “itinanim” lang ng police raiders.

Para sa akin at sa iba pang mga kaibigan at mapagmasid, dapat ay 100% ang suporta sa kampanya ni Pres. Rody laban sa illegal drugs. Maganda ang makabuluhang adbokasiya ito ng ating Pangulo sapagkat mawawala sa mga kalye at lansangan ang mga tarantadong tulak at adik na basta na lang pumapatay, nangre-rape at gumagawa ng kung anu-anong kahayupan dahil sa shabu.

Gayunman, ang hindi maganda at kanais-nais sa drug war ni Mano Digong ay ang walang habas na pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers at users. Kahit sa loob ng bahay at natutulog na ang pinaghihinalaan ay binabaril pa rin at nadadamay pati ang asawa at mga anak.

Sa wakas napatay na ng militar sina Isnilon Hapilon at Omar Maute. Sila ang dalawang lider ng Maute-ISIS-Abu Sayyaf na namuno sa pagsalakay sa Marawi City. Dahil dito, nagdeklara ng martial law si PRRD at inutos sa AFP na walang itira sa mga kasapi ng Maute Group. Pinabomba niya ang pinagkukutaan ng mga ito na nagresulta sa pagkawasak ng Marawi. Nangangailangan ng ilang taon at bilyun-bilyong piso para sa pagbangon at rehabilitasyon ng Islamic City sa Mindanao. Bahala ang ating Pangulo sa bagay na ito.