Ni: Alexandria Dennise San Juan, Rommel Tabbad, Mary Ann Santiago, Bella Gamotea, at Orly Barcala

Binalaan ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) si Pangulong Duterte na magsasagawa sila ng buwanang transport strike kapag hindi nito pinakinggan ang kanilang panawagan na rebisahin ang public utility vehicle modernization program ng gobyerno.

Sa ikalawang araw ng protesta ng grupo laban sa pinaplanong jeepney phaseout, sinabi ni PISTON National President George San Mateo na magsasagawa sila ng mas maraming tigil-pasada sa mga susunod na buwan upang ipakita ang kanilang pagtutol sa nasabing programa.

“Kapag hindi pinakinggan ng Pangulo itong aming ginagawang protesta, gagawin naming buwan-buwan ang welga,” sabi ni San Mateo. “Wala na kaming magagawa dahil isinandal kami ng gobyerno sa pader.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa press conference kahapon sa kanilang main protest center sa Aurora Boulevard sa Cubao, Quezon City, ipinahayag ni San Mateo ang kanilang pagtuligsa sa naging pahayag ng Malacañang na ipagpapatuloy ng gobyerno ang PUV modernization program.

Sinabi rin ng convenor ng No To Jeepney Phaseout Coalition na matagumpay ang dalawang-araw nilang protesta dahil kinansela ng administrasyon ang klase at pasok sa gobyerno sa nasabing mga araw.

Hindi umano makatarungan na ipagpatuloy ang programa sa kabila ng pagtutol ng transport sector.

Sa nasabing press conference, dumaan sa lugar si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRFB) member at spokesperson Atty. Aileen Lizada matapos makatanggap ng mga ulat na hinarang ng mga militante ang ibang jeepney drivers.

Sa ambush interview ilang metro mula sa mga raliyista, pinasinungalingan ni Lizada ang iniulat ng PISTON na 90 porsiyento ng transportasyon ang naparalisa.

Una nang sinabi ni Lizada na base sa datos, 0.015% lang ng 10 milyong pasahero ang naapektuhan ng strike.

Sa kabilang dako, sinabi ni San Mateo na sila ang nagtagumpay base sa bilang ng PUJ operators at drivers na nakiisa sa strike.

ERAP: DAY 2 WA’ EPEK PA RIN

Wala pa ring epekto sa Maynila ang ikalawang araw ng tigil-pasada na inilunsad kahapon ng PISTON, ayon kay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.

Base sa ulat ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU) at ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDDRMO), sinabi ni Estrada na generally peaceful, tulad din noong Lunes na unang araw ng transport strike, ang sitwasyon sa mga pangunahing kalsada sa lungsod kahapon.

NILANGAW—LTFRB, MMDA

Nilangaw. Ganito naman inilarawan ng LTFRB at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ikalawang tigil-pasada ng PISTON.

Ayon sa LTFRB at MMDA, hindi naman lumahok ang ilang malalaking transport groups sa strike kaya bigong maparalisa ang transportasyon sa Metro Manila at sa ibang lugar sa bansa.

Malaking tulong ang kaliwa’t kanang libreng sakay na ipinagkaloob ng dalawang ahensiya at ng iba pang ahensiya ng pamahalaan.

CAMANAVA BAHAGYANG NAAPEKTUHAN

Mas naramdaman ng mga taga-Caloocan-Malabon-Navotas at Valenzuela City ang ikalawang araw na tigil-pasada kaysa noong Lunes.

Napag-alaman na na-stranded ang ilang commuter sa mga pangunahing lugar sa mga nasabing lungsod dahil mas maraming jeepney driver ang hindi bumiyahe kaysa nitong Lunes.