Ni: Beth Camia
Halos isang linggo ang nakalipas makaraang umuwi sa bansa mula sa Amerika, nananatiling tikom ang bibig ng isa sa mga suspek sa pagkamatay ni Horacio Tomas “Atio” Castillo III na si Ralph Trangia.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre III, hindi pa tumutugon si Trangia sa alok ng Department of Justice (DoJ) na isailalim siya sa Witness Protection Program (WPP) ng kagawaran.
Nilinaw ni Aguirre na mananatili pa rin ang naturang alok ng ahensiya hanggang wala pang tugon si Trangia tungkol dito.
Una nang sinabi ni Aguirre na isang “potential witness” si Trangia sa kaso ni Castillo, na napatay sa hazing ng Aegis Juris fraternity nitong Setyembre 17.
Bukod kay Trangia, sinabi rin ni Aguirre na “the DoJ’s invitation to anyone who knows anything about what happened to Mr. Atio Castillo to come forward and to tell the truth.”
“Those who do will find the truth liberating, you cannot live in lies and untruth forever. We are waiting for you,” ani Aguirre.
Pag-aari ng ama ni Ralph, si Antonio Trangia, ang Mistubishi Strada pick-up na nagdala kay Castillo sa Chinese General Hospital, kasama ang isa pang suspek na si John Paul Solano.
Tatlong araw pagkamatay ni Castillo ay kaagad na bumiyahe papuntang Amerika si Ralph, kasama ang inang si Rosemarie.