Ni: Mary Ann Santiago
Nagsagawa kahapon ng Oplan Greyhound ang mga awtoridad sa loob ng Manila City Jail (MCJ) sa Sta. Cruz, Maynila upang matiyak na walang ilegal na aktibidad sa loob ng piitan.
Ayon kay Jail Senior Insp. Jay Rex Joseph Bustinera, tagapagsalita ng MCJ, ginawa nila ang operasyon alinsunod sa kautusan ni Gen. Deogracias Tapayan, pinuno ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), katuwang ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at Manila Police District (MPD)-Station 3.
Binuwag ng mga awtoridad ang mga kubol sa loob ng piitan at hinalughog ang bawat selda, na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga bote ng alak, ilang pirated CDs ng pornographic materials, bingo cards, deadly weapons tulad ng gunting, matutulis na bagay, drug paraphernalia, mga sirang bahagi ng bentilador, sinturon, mga tali, pang-ahit, baraha, at iba pang ipinagbabawal na bagay, ngunit walang nasamsam na droga.
Nakakumpiska rin ang mga awtoridad ng petroleum jelly at heringgilya.
Ayon naman kay Bustinera, ang hindi lamang sinira sa inspeksiyon ay ang kuwarto para sa conjugal visit, ngunit habang may Oplan Linis ay bawal muna ang pagbisita sa mga preso.
Tiniyak din niya na aalamin ng MCJ kung paano naipapasok sa bilangguan ang mga nabanggit na kontrabando at papanagutin ang mga may kinalaman dito.
Nabatid na siksikan sa bilanggo ang MCJ, na mayroong 5,565 nakapiit, gayung ang kapasidad nito ay para lamang sa 1,100 preso.