NI: Francis T. Wakefield
Ngayong ipinaubaya na ng Philippine National Police (PNP) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagpapatupad sa drug war, sinabi ni PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na matututukan na ang iba pang mahalagang bagay, tulad ng pagsibak sa mga scalawag sa 185,000 miyembro ng pulisya.
Sa panayam sa kanya sa “The Source” ng CNN, sinabi ni Dela Rosa na ngayong hindi na ang PNP ang magpapatupad ng mga anti-drug operation ay mapagtutuunan na nila ng pansin ang paglilinis sa kanilang hanay.
“Makaka-focus na kami nang husto nito ngayon. Siguro ‘yung aking PNP Drug Enforcement Group
magpo-focus more on internal cleansing. Tulungan nila ‘yung aming Counter-Intelligence Task Force para talaga mahuli itong mga pulis na gumagawa ng kalokohan,” ani dela Rosa.
Ayon kay dela Rosa, sa 185,000 operatiba ng PNP ay nasa dalawang porsiyento, o 4,000 ang pinaniniwalaang sangkot sa mga ilegal na aktibidad.
Bukod dito, sinabi ni dela Rosa na tututukan din nila ang pagdakip sa mga motorcycle-riding criminals (MRCs), ang internal security, at kontra terorismo.