Ni GENALYN D. KABILING

Biglang kambiyo ang Malacañang sa tirada sa European Union (EU) at bumaling sa Human Rights Watch (HRW) matapos mapag-alaman na walang kinalaman ang regional bloc sa diumano’y planong pagpapatalsik sa Pilipinas sa United Nations.

Sa pagkakataong ito, binanatan ni Presidential spokesman Ernesto Abella ang “self-styled human rights watchdog” sa pagbatikos sa pamahalaan, at isinantabi ang mga babala ng samahan na “unwarranted nuisance.”

“The Human Rights Watch (HRW), a self-styled HR watchdog, has accused the Philippines of violating its membership obligations and threatens to call for the Philippines to be delisted from the UNHRC,” pahayag ni Abella.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

“The only basis for suspension of privileges of members of the UNHRC is for the concerned member to have committed ‘gross and systematic violations of human rights,” dugtong niya.

Sa kanyang talumpati nitong Huwebes, inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang EU na nagpaplanong patalsikin ang Pilipinas sa UN. Nagbanta rin si Duterte na palalayasin ang EU ambassadors sa loob ng 24 oras sa gitna ng mga alegasyon na nakikialam ang bloc sa domestic affairs.

Bago ang mga pahayag ng Pangulo, gayunman, walang inilabas na pahayag ang EU na naglalayong ipatanggal ang bansa sa UN. Sa halip, ang Human Rights Watch (HRW) ang nagbabala na maaaring mawalan ng membership ang Pilipinas sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) kapag hindi nahinto ang mga pang-aabuso sa karapatan na iniuugnay sa war on drugs.

Bilang tugon sa mga banat ng Pangulo, naglabas ang EU delegation sa Pilipinas ng paglilinaw na ang foreign delegation na bumisita sa Manila ay hindi official mission ng EU, at wala silang balak na patalsikin ang bansa sa UN. Iginiit din ng EU na patuloy itong makikipagtrabaho sa Pilipinas.

Matapos magkaliwanagan, nilinaw ng Palasyo na pinapahintulutan pa rin ng pamahalaan ang mga ambassador ng EU na manatili sa bansa.

Ayon kay Abella wala namang direktiba para paalisin ang EU envoys sa bansa.

Sinabi ni Abella na nagsinungaling ang seven-member group ng International Delegates of Progressive Alliance, na bumisita kamakailan sa bansa at nagpakilalang official EU mission.

“The European delegation yesterday (Thursday) they issued a clarification that --- it cleared the air, in other words, that the seven-man team was not the EU itself,” aniya sa news conference sa Palasyo.

Nang tanungin kung misinformed o na-misled ng impormasyon si Duterte kaugnay sa EU, sinabi ni Abella na nagre-react lamang ang Pangulo sa isang ulat sa pahayag tungkol sa mga nagbibisitang banyagang delegasyon.

“So basically, it’s a lesson for us also to -- for the need for critical reporting and -- and reading of the news,” aniya.

Inaasahang magsasagawa ang gobyerno ng pormal na paglilinaw sa EU community kaugnay sa pahayag kamakailan ng Pangulo.

“I’m sure these things are being clarified directly to persons concerned,” ani Abella.