LOS ANGELES (Reuters) – Nangunguna ang kalalakihan sa pop at hip hop sa mga nominasyon para sa American Music Awards (AMA) na inilabas nitong Huwebes, at napag-iiwanan naman ang female artist sa halos lahat ng kategorya.

bRUNO copy

Nanguna si Bruno Mars na may walong nominasyon, kabilang ang Artist of the Year, ang top accolade. Makakatunggali niya sa coveted award ang hip hop stars na sina Drake at Kendrick Lamar, British singer-songwriter na si Ed Sheeran at electro-pop DJ duo na The Chainsmokers – na nakakuha naman ng tiglimang nominasyon.

Nabigo ang kababaihan ng pop music na makakuha ng nominayson sa mga kategorya ng Artist of the Year, Video of the Year at Tour of the Year.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Nag-tweet ang pop star na si Halsey, isa sa iilang female artists na nakakuha ng nominasyon sa kanyang collaboration sa The Chainsmokers sa hit song na Closer, nitong Huwebes na siya ay “really disappointed” sa male-dominated nominees list.

“So many incredible female artists have released this year. Hoping the coming award shows give them the credit that is due to them,” aniya.

Nakakuha si Halsey ng dalawang nominasyon, ang favorite pop/rock song at ang collaboration of the year categories para sa Closer, ngunit hindi nakakuha ng anumang solo nominations sa kabila ng pagkakaroon ng chart-topping album sa pagpasok ng taon.

Kabilang sa kapansin-pansing hindi naging nominado sina Katy Perry, Miley Cyrus, Lorde, Demi Lovato, Lana Del Rey at Kesha, na pawang naglabas ng mga bagong awitin at album ngayong taon, gayundin si Taylor Swift, na naglabas ang kanyang high-concept video noong Agosto ng kanyang single na Look What You Made Me Do.

Ang mga nominado sa AMA ay pinipili sa pamamagitan ng pagsukat sa fan interactions sa Billboard Magazine at Billboard.com, na kinabibilangan ng tala sa music sales, touring, streaming at radio airplay at social activity mula Setyembre 9, 2016 hanggang Setyembre 14, 2017, ayon sa organizers.

Ang winners ng American Music Awards na iboboto ng fans ay ihahayag sa live ceremony na ipapalabas sa ABC sa Nobyembre 19.

Si Rihanna ang isa pang female artist na nakakuha ng dalawang nominasyon. Makakalaban niya si Lady Gaga at ang newcomer na si Alessia Cara para sa favorite female pop/rock artist, at makakatunggali naman sina Beyonce at Kehlani sa favorite female soul/R&B category.

Makakalaban naman ng newcomer na si Julia Michaels ang singer na si James Arthur, dating One Direction star na si Niall Horan, rapper na si Post Malone at hip hop duo na si Rae Sremmurd para sa New Artist of the Year accolade.