Ni: Celo Lagmay
HINDI ko ikinagulat ang utos ni Pangulong Duterte na ipaubaya na lamang sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pangkalahatang kampanya laban sa illegal drugs – users, pushers at drug lords. Ang pagiging “lead agency” ng naturang ahensiya ay itinatadhana ng batas at dapat ipatupad ngayon lalo na kung isasaalang-alang ang adhikain ng administrasyon hinggil sa pagpuksa ng bawal na droga.
Manapa, nais kong maniwala na ang naturang utos ay naglalayong lalong paigtingin ang paglipol sa mga salot ng lipunan. Magiging katuwang ng PDEA sa makabuluhang misyong ito ang Philippine National Police (PNP) na dating namahala sa anti-drug campaign, National Bureau of Investigation at iba pang ahensiyang panseguridad na inaatasang mangalaga sa katahimikan ng mga komunidad at ng mismong mga mamamayan.
Hindi ito nangangahulugan na mistulang naging inutil ang PNP sa pagsugpo ng illegal drugs. Katunayan, 71 porsiyento ng sambayanan ang naniniwala sa pagiging epektibo ng mga pulis laban sa mga sugapa sa bawal na droga na walang patumangga sa paghahasik ng karahasan.
Maaaring layunin ng utos ng Pangulo na ilayo lamang ang PNP sa hindi kanais-nais na impresyon kaugnay ng sinasabing extrajudicial killings (EJKs); ng umano’y kaliwa’t kanang pagpaslang sa mga hinihinalang nanlaban sa mga alagad ng batas.
Ang sistemang ito ay magugunitang inalmahan ng ilang sektor, lalo na ng mga grupong panrelihiyon. Bagamat ang mga ito ay hindi tumututol sa paglipol ng mga sugapa sa droga, nais nila na dakipin na lamang ang mga suspek at hindi dapat patayin. Paano naman kung nalalagay sa panganib ang buhay ng mga alagad ng batas na may tungkuling labanan ang mga kriminal at iba pang mapanganib na salot ng lipunan?
Ang pagiging hinete ng PDEA, wika nga, ay hindi garantiya upang maiwasan ang madugong... kampanya laban sa droga.
Masyadong talamak ang mga lulong sa droga sa ating mga komunidad; karamihan sa mga adik ay may mga isipang kriminal na handang makipagpatayan, tulad ng ating malimit masaksihan. Hindi ko matiyak kung ano ang gagawin ng PDEA agents kapag sila ay nasuong sa gayong panganib sa kanilang buhay.
Natitiyak ko rin na ang ganitong mga eksena ay hindi ikabibigla ng Pangulo. Siya mismo ang malimit magpahiwatig na kailangang masugpo ang problema sa droga sa lahat ng paraan. Hindi siya titigil hanggang hindi nalilipol ang pinakahuling sugapa sa droga.