Ni: Rommel Tabbad at Fer Taboy
Binalaan kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga residente ng Cagayan at Isabela sa inaasahang pagtama ng bagyong ‘Odette’ sa dalawang lalawigan.
Ayon sa PAGASA, kaagad na nakaipon ng lakas ang bagyo matapos itong pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) kahapon ng madaling-araw.
Kaugnay nito, isinailalim kahapon sa Signal No. 1 ang sampung lugar na apektado ng Odette: Cagayan, Babuyan Group of Islands, Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao,
Ilocos Norte, at Ilocos Sur.
Huling namataan ang bagyo sa layong 655 kilometro sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay ng Odette ang lakas ng hanging nasa 55 kilometer per hour (kph) malapit sa gitna at bugsong 65 kph habang tinatahak ang Cagayan at Isabela.
Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na 26 kph at inaasahang tatama sa dalawang probinsiya ngayong Biyernes.
Sinabi ng PAGASA na “moderate to heavy” ang ulan na ibabagsak ng bagyo sa 350 kilometrong diameter nito.
Samantala, dalawang 17-anyos na construction worker ang nasawi makaraang malibing nang buhay sa landslide sa ginagawa nila sa Libas Elementary School sa Lavezares, Northern Samar, iniulat kahapon.
Batay sa report ng Northern Samar-Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), kinilala ang mga biktimang sina Jonnel Nabor, at Elmer Abayon, kapwa 17-anyos, at nakatira sa Barangay Kalabog sa Victoria, Northern Samar.
Ayon kay Rei Echano, ng PDRRMC-Northern Samar, nagtatrabaho ang mga biktima sa isang construction site sa nasabing paaralan nang biglang gumuho ang lupa.
Naniniwala si Echano na bumigay ang lupa dahil sa walang humpay na ulan na dulot ng masamang lagay ng panahon.