Ni VANNE ELAINE P. TERRAZOLA
Tinawag ni opposition Sen. Antonio Trillanes IV ang draft report na inilabas ng komite ni Senador Richard Gordon na isa na namang pagtatangka para pagtakpan ang pamilya Duterte.
Sa kabila ng naunang rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon committee na magsagawa ng lifestyle check kay Davao City Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte at sa brother-in-law nitong si Manases “Mans” Carpio, tila hindi kumbinsido si Trillanes sa resolusyon ni Gordon sa matagal na imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan sa P6.4-bilyon shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs (BOC).
“This is a clear case of a cover up by Senator Gordon to please his political master,” ani Trillanes.
Ikinumpra ni Trillanes ang rekomendasyon ni Gordon laban sa pagpatay sa mga pinaghihinalanag drug pusher at kriminal.
“Suspected drug pushers and users are wantonly killed in the streets while the people behind the illegal drug smuggling are merely subjected to a lifestyle check,” diin niya.
“If Sen. Gordon is really serious in getting to the bottom of this mess, then he shouldn’t terminate the hearing and clear Paolo Duterte of involvement until Nanie Cabato-Coronacion a.k.a. Tita Nanie is located,” aniya pa.
Inaakusahan ni Trillanes sina Duterte at Carpio na bahagi ng tinaguriang Davao Group na sangkot diumano sa pagpuslit ng 605-kilong shabu na nasamsam sa Valenzuela City noong Mayo.
Sinabi naman ni Sen. Vicente Sotto III na maaaring isailalim sa lifestyle check ang isang public official kahit “tsismis” lamang ang batayan nito.
Ito ang sinabi kahapon ni Sotto kasunod ng mga pagtutol ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon committee na magsagawa ng lifestyle check sa kapatid niyang si Paolo at asawang si Manases, na isinasangkot sa smuggling.
“With or without the chismis, pwede naman talaga ilifestyle check ang lahat ng mga public official. Ewan ko lang kung bagay kay Atty. Carpio yun, hindi naman siya public official. Pero sa mga government official, okay lang ilifestyle check with or without prompt from anyone, or any office,” paliwanag ni Sotto.
Sinabi ni Sara na “unreasonable” ang lifestyle check.