Ni: Mary Ann Santiago

Tatlong beses na namang naantala kahapon ang biyahe ng Metro Rail Transit Line (MRT)-3, sanhi upang mapilitang pababain ang mga pasahero at kabilang rito si Muntinlupa City Rep. Rozzano Rufino “Ruffy” Biazon.

Nabatid na pansamantalang itinigil ang serbisyo ng isang tren ng MRT-3 mula sa North Avenue hanggang Shaw Boulevard Station, dakong 5:52 ng madaling araw.

Nagpatupad din ng provisionary service ang MRT-3, o biyaheng mula Shaw Boulevard Station hanggang sa Taft Avenue, Pasay City lamang dahil sa nakitang bitak sa riles sa pagitan ng Ortigas at Santolan Stations.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Itinaas sa Category 4 status ang biyahe ng MRT-3, o total stop ang biyahe mula sa North Avenue, Quezon City, hanggang sa Shaw Boulevard Station.

Pagsapit ng 6:34 ng umaga ay tuluyang naibalik sa normal ang operasyon.

Ngunit makalipas ang dalawang oras, bandang 8:35 ng umaga ay muling pinababa ang mga pasahero ng MRT-3 sa southbound ng Cubao Station dahil sa technical problem.

Nagkataong sakay sa isa sa mga nagkaaberyang tren si Biazon.

Sa tweet ni Biazon, sinabi niya na tumirik ang sinasakyan niyang bagon kaya pinababa silang mga pasahero sa Shaw Boulevard Station. Nabatid na patungo sa Kamara, sa Batasang Pambansa, si Biazon nang mangyari ang aberya.

“That feeling when you’re on the train but all the vehicles are overtaking you ….” tweet ni Biazon.

“We got offloaded at Shaw boulevard station, with the train declared ‘for removal’,” aniya pa.