NAPANATILI ng defending champion na University of Santo Tomas at Far Eastern University ang malinis na karta para makopo ang dalawang semi-finals berths sa UAAP Season 80 beach volleyball tournament nitong Sabado sa Sands SM By The Bay.

Ginapi ng tambalan nina Cherry Rondina at Caitlyn Viray ang karibal na sina Diana Carlos at Ayel Estrañero ng University of the Philippines, 21-7, 21-15, gayundin sina Bern Flora, at Chrislyn Uy ng Adamson University, 21-9, 21-14, para sa 5-0 karta ng Tigresses.

Nakopo rin ng Lady Tamaraws ang ikalimang sunod na panalo matapos pabagsakin nina Bernadeth Pons at Kyla Atienza, ang karibal na Lady Falcons, 21-12, 21-14, at sina Judith Abil at Angelica Dacaymat ng University of the East, 21-10, 21-7.

Lumapit ang De La Salle at Lady Maroons sa minimithing Final Four tangan ang parehong 3-2 karta.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Naungusan nina Lady Spikers’ Tin Tiamzon at May Luna ang Lady Warriors, 21-17, 21-16, at sina Roma Doromal at Audrey Paran ng National University, 17-21, 21-19, 20-18.

Nakabawi naman sina Estrañero at Carlos kontra kina Bea de Leon at Jules Samonte ng Ateneo, 21-17, 21-11, para makalapit sa unang semis appearance mula nang magawa nang tambalan nina Aia del Mundo at Pau Genido noong 2012.

Sa men’s division, nagwagi sina Bryan Bagunas at James Natividad ng Bulldogs kontra kina Paolo Pablico at JP Yulde ng Falcon, 21-13, 21-18.