Ni LITO T. MAÑAGO

NASA kalagitnaan na ang grand mediacon ng Bes and the Beshies nina Zsa Zsa Padilla, Nikko Natividad at Ai Ai de las Alas nang pumasok sa hall ng Le Rêve Pool Party and Events Place ang controversial na si Mayor Patrick Meneses ng Bulakan, Bulacan.

Isa si Mayor Patrick sa tatlong producers na nag-ambag-ambag ng kanilang resources para mabuo ang CineKo Productions.

Amanda, Patrick at Ara Mina
Amanda, Patrick at Ara Mina
Ayon sa alkalde, in full swing ang CineKo sa paggawa ng mga pelikula.

Tsika at Intriga

98% ng buhok, nalagas na; Doc Willie may mensahe sa kabataan, mga magulang

Umiwas sa tanong at “secret!” lang ang sagot ng ex-boyfriend ni Ara Mina kung magkano ang share nila bilang producers ng CineKo Productions.

Pagkatapos daw ng Bes and the Beshies na pinagbibidahan din nina Beauty Gonzales at Carmi Martin at ipalalabas na sa October 18, isusunod agad nila ang The Significant Other na pinagbibidahan naman nina Lovi Poe, Tom Rodriguez at Erich Gonzales, mula sa direksiyon ni Joel Lamangan.

Pagkatapos, kasunod na rin ang Fallback ni Direk Jason Paul Laxamana.

Nasa drawing board na rin daw ang Gulong ng Palad pero winika ng butihing mayor na wala pa silang nakukuhang artistang gaganap sa movie remake ng radio hit series na napakinggan sa DZRH, napanood sa BBC2 at RPN-9 and eventually, ni-remake din ng ABS-CBN nu’ng 2006.

Kamakailan ay nagkabati sa isang wake sina Ara at Aiko Melendez after 16 long years. Sa mga bali-balita, si Mayor Patrick ang isa sa mga dahilan ng alitan ng dalawang aktres. Natutuwa si Mayor Patrick na finally, nagkabati at nagkaayos na sina Ara at Aiko.

“Siyempre, okay. Maganda ‘yung bes and the beshie silang dalawa, di ba?” tanging sabi niya nang makorner namin habang paalis na ng venue ng presscon.

Ayon sa kanya, nalaman niya ang pagbabati ng dalawa kay Ara mismo.

“Well, sinabi rin naman sa akin ng mother ng daughter ko,” aniya at natawa kami na ayaw niyang banggitin ang pangalan ni Ara.

Iginiit niya na masaya siya sa pagbabati ng dalawa niyang ex-girlfriends.

“Oo naman, oo naman! All ends that ends well,” lahad ng alkalde.

Nagpasalamat siya nang purihin ng press ang kanyang anak kay Ara na si Amanda Gabrielle Meneses.

“Maraming salamat po,” say lang niya.

Matatandaang nagpahayag si Ara sa kanyang previous interviews na kung sakaling muli siyang magbubuntis at magkakaanak, type pa rin daw niyang kay Mayor Patrick pa rin ito.

“Ha-ha-ha! Sige. Walang problema ‘yan,” tanging nasabi ni Mayor Patrick sabay paalam sa press na nasa table namin.