Ni GENALYN D. KABILING
Sa harap ng mga alegasyon ng pagkakaroon niya ng tagong yaman, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaya ang militar na maglunsad ng kudeta para patalsikin siya sa kapangyarihan kung naniniwala sila na siya ay “corrupt.”
Ipinakitang hindi siya kapit-tuko sa puwesto, sinabi ng Pangulo na puwede siyang palitan ng isang bagong pinuno na susuportahan ng taumbayan.
“Sabi ko sa military listening during the ceremony. ‘You have all the intelligence and apparatus. If you think that I’m corrupt and I am not worth the position, oust me, please,’” aniya sa isang food expo sa Pasay City nitong Huwebes.
“Tanggalin ninyo ako through a coup d’etat or whatever you want. Then find a leader that maybe the Filipino nation would be happy listening to,” dugtong niya.
Sa nauna niyang pagtalumpati sa turnover ceremony ng Philippine Army, sinabi rin niya sa militar na maaari nila siyang patalsikin kung sa tingin nila ay nagsisinungaling siya sa kanyang yaman. Pinaalahanan din ng commander-in-chief ang militar na manatiling tapat sa Konstitusyon, at hindi sa isang tao.
Iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman si Duterte sa diumanoy pagtatago ng bilyun-bilyong pera sa mga bangko, batay sa akusasyon ni Senador Antonio Trillanes IV.