Ni: Marivic Awitan
Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 n.g. -- Ginebra vs TNT
AGAWAN sa momentum ang Ginebra Kings at Talk ‘N Text Katropa sa paglarga ng Game 3 ng kanilang best-of-five semi-finals series ngayon sa 2017 PBA Governors Cup sa Araneta Coliseum.
Nakatakda ang hidwaan ganap na 7:00 ng gabi.
Nagtabla ang serye sa 1-1 nang makabawi ang Katropa sa 103-99 panalo sa Game 2 nitong Miyerkules.
Matatandaang hindi halos nakalaro sa kabuuang ng third canto noong Game 2 si import Glen Rice, Jr. matapos magawaran ng maagang apat na personal fouls sa first half.
Ngunit, sa halip na mawalan ng loob, nagsilbing hamon ang sitwasyon ni Rice para kumilos ang kanyang local teammates.
At sa pamumuno ni Jayson Castro, nagawa nilang makasabay sa Kings kahit wala ang kanilang import na itinodo naman ang effort pagbalik sa fourth period upang tulungan ang kanyang koponan na bumawi sa 94-121 kabiguan nila noong Game 1 sa Kings.
Tumapos si Rice na may 21-puntos kasunod si Castro na may 20 puntos 10 assists upang pangunahan ang TNT sa pagtabla sa serye.
Inaasahang mas matinding bakbakan ang matutunghayan ngayong gabi sa Big Dome dahil tiyak na magsisikap bumawi ang Kings sa pamumuno nina import Justine Brownlee, LA Tenorio, Japeth Aguilar at Sol Mercado.
Maliban naman kina Rice at Castro, aasahan din ni coach Nash Racela upang mamuno sa Katropa sina Troy Rosario, Mo Tautuaa at Roger Pogoy.