Ni: Bella Gamotea
Asahan na ng mga mamimili ang taas-presyo ng ilang Noche Buena product sa mga susunod na linggo.
Ito ay matapos humirit sa Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang manufacturer para sa big-time price increase ng hamon at queso de bola, na tradisyunal nang inihahain sa handaan tuwing Pasko at Bagong Taon.
Ayon sa DTI, dalawang brand ng ham at isa naman sa queso de bola ang nag-abiso ng dagdag-presyo.
Sakaling maaprubahan, tataas ng P2.00 hanggang P37.00 ang presyo ng bawat hamon sa pamilihan.
Bukod dito, humirit na rin ng dagdag-presyo ang mga manufacturer ng gatas at all-purpose cream.
Samantala, ayon kay DTI Undersecretary Ted Pascua, wala pa silang natatanggap na abiso mula sa mga manufacturer ng ibang Noche Buena product, gaya ng pasta, fruit cocktail, at pasta sauce.
Sa ngayon, masusing pinag-aaralan ng DTI ang mga kahilingan ng ilang manufacturer kung karapat-dapat bang magtaas ng presyo ang mga ito sa kani-kanilang produkto.