Ni: Ellalyn De Vera-Ruiz
Isa sa dalawang low pressure area (LPA) na mino-monitor ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang inaasahang magdudulot ng mga pag-ulan sa Southern Luzon, Bicol Region, at Visayas, sa pagtawid kahapon ng sama ng panahon sa Visayas.
Bago magtanghali kahapon, natukoy ang nasabing LPA sa intertropical convergence zone (ITCZ), kung saan karaniwang namumuo ang mga bagyo. Huling namataan ang LPA sa may 50 kilometro sa katimugan ng San Jose, Occidental Mindoro.
Ayon sa PAGASA, magdudulot ng mahina hanggang bahagyang malakas na ulan, at paminsan-minsan ay malakas na ulan ang LPA sa Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan, Albay, Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, Masbate, Sorsogon, at Visayas.
Karaniwan na ang mga pag-ulan sa iba pang bahagi ng bansa pagsapit ng hapon hanggang gabi.
Kasabay nito, nalusaw na kahapon ang isa pang LPA na nasa silangan ng Luzon.
Bukas, Lunes, hanggang sa Biyernes ay posibleng ulanin ang silangang bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA.