Ni: Czarina Nicole O. Ong
Kinasuhan kahapon sa Office of the Ombudsman ang pitong tauhan ng Manila Police District (MPD) dahil sa pagkakasangkot sa magkahiwalay na drug-related operation noong Enero 20 at Mayo 18, 2017 sa Maynila.
Ang mga reklamo ay inihain ng pamilya ni John Jezreel C. David at ni Djastin B. Lopez, na pawang inalalayan ng human rights lawyers mula sa National Union of People’s Lawyers - National Capital Region (NUPL-NCR).
Kabilang sa unang inireklamo sina Chief Insp. Leandro S. Gutierrez, PO3 Joel Pelayo, PO3 Ponciano Barnedo, PO2 Osmond Pring, at PO2 Eduardo Lacson, na pawang sangkot sa umano’y buy-bust operation laban kay David noong Enero 20.
Si David, 21, ay room boy sa isang motel sa Pasay. Nawala siya noong Enero 19 habang pauwi sakay sa kanyang motorsiklo, kasama ang kanyang kaibigan na kanyang inangkas.
Hanggang sa napasabak si David sa buy-bust sa Del Pan Street, sa Maynila, kasama ang kanyang kaibigan at isa pang lalaki. Lumalabas na ang tatlo ay inaresto sa magkakaibang lugar, at pinatay umano sa Del Pan.
Kinasuhan ng nasabing mga pulis ng frustrated homicide at drug charges ang grupo ni David na kalaunan ay ibinasura.
Ang isa pang reklamo ay isinampa laban kina Senior Insp. Jojo Salanguit, PO3 Gerry G. Genalope, at tatlong John Does, na sangkot sa pagpatay kay Lopez sa Maynila noong Mayo 18.
Si Lopez, 23, ay nakaupo lamang sa semento kasama ang kanyang mga kaibigan nang dumating ang mga pulis at inaresto ang kanilang nadadaanan.
Pumalag si Lopez sa isang pulis na bumaril sa kanya kalaunan. Hanggang sa inatake ito ng epilepsy, ngunit naiulat na muli itong binaril at sinampal umano ng pulis. Sa paglabas ng police report, sinabi na ang nangyari ay buy-bust at follow-up operation sa pagkamatay ng isang tricycle driver ilang linggo na ang nakalilipas.
Kinasuhan ang mga pulis ng murder, planting of evidence under the drugs and firearms laws, at ng gross misconduct, grave abuse of authority, gross oppression at conduct unbecoming of police officers.