Ni: Ellalyn De Vera-Ruiz, Argyll Cyrus B. Geducos, at Aaron B. Recuenco

Mahigit sa kalahati ng mga Pilipino ang naniniwalang hindi totoong nanlaban ang mga napatay sa mga operasyon ng pulisya kaugnay ng drug war, batay sa resulta ng special survey ng Social Weather Stations (SWS).

Limampu’t apat na porsiyento ng mga Pinoy ang sang-ayon na karamihan sa mga napatay sa operasyon ng pulisya, para sa kampanya kontra droga ng gobyerno, ay hindi nanlaban, habang 20 porsiyento ang hindi sang-ayon, at 25 porsiyento ang walang desisyon sa usapin.

Partikular na inusisa ng SWS ang 1,200 respondent nitong Hunyo 23-26 kung sang-ayon ba sila o hindi sa pahayag na:

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Marami sa mga pinatay ng mga pulis sa kampanya laban sa ilegal na droga ay hindi totoong nanlaban sa pulis.”

Animnapu’t tatlong porsiyento ng mga nasa Metro Manila ang naniniwalang hindi nanlaban sa pag-aresto ng mga pulis ang mga napatay na drug suspect.

Mas mababa ito nang kaunti sa Luzon sa 56%, habang parehong 49% ang naitala sa Visayas at Mindanao.

Sa pinakamahihirap o Class E, 58% ang sumang-ayon sa nasabing pahayag; 54% sa Class D o masa; at 40% sa upper-to-middle Class ABC.

Natukoy din sa survey na halos kalahati, o 49% ng populasyon, ang naniniwalang karamihan sa mga napatay ng pulis ay hindi totoong tulak ng droga.

Sa pahayag na: “Marami sa mga pinatay ng mga pulis sa kampanya laban sa ilegal na droga ay hindi naman talaga mga nagtutulak ng droga o drug pusher”, 27% naman ang walang desisyon, at 23% ang tutol dito.

Kinuwestiyon naman ng Malacañang ang methodology ng nasabing SWS survey, at sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na nakaapekto sa sahot ng mga respondent ang mismong paraan ng pagtatanong.

“It seems the 2nd Quarter Social Weather Stations (SWS) Survey contains leading and pointed questions that may have unduly influenced the answers of respondents,” saad sa pahayag ni Abella.

Nanindigan naman ang Philippine National Police (PNP) na nanlaban ang mga napatay sa mga anti-drug operation ng pulisya, at iginiit na nanganganib din ang buhay ng mga pulis sa pagpapatupad ng drug war.

“We respect the result of the survey conducted. The survey is based on the perception of the respondents. Whatever the question, they will base it on their perception, based on factors available at that particular time of the survey,” sabi ni Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP.