Ni MARIO B. CASAYURAN

Pansamantalang isinantabi ng 16 na senador ang kani-kanilang partido nang maghain sila kahapon ng resolusyon upang himukin ang gobyerno na umaksiyon upang matigil na ang mga pagpatay, “especially of our children”, na isa umanong paglabag sa 1987 Constitution.

Hiniling din ng resolusyon sa liderato ng Senado na atasan ang mga kinauukulang komite para magsagawa ng imbestigasyon, in aid of legislation, upang matukoy ang mga dahilan sa tuluy-tuloy na pagdami ng mga napapatay sa bansa.

Lumagda sa resolusyon sina Senate President Pro Tempore Ralph G. Recto, Senate Minority Leader Franklin M. Drilon, at Senators Francis Pangilinan, Paolo Benigno Aquino IV, Joel Villanueva, Risa Hontiveros, JV Ejercito, Antonio F. Trillanes IV, Sherwin Gatchalian, Panfilo M. Lacson, Nancy Binay, Francis Escudero, Juan Edgardo Angara, Loren Legarda, at Leila de Lima.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tinukoy ng resolusyon ang datos mula sa Children’s Legal Rights and Development Center na nagsabing may 54 na katao, edad 18 pababa, ang napatay sa operasyon ng pulisya o sa estilong vigilante simula noong Hulyo 2016.

“Most of said children had been shot while in the company of adults who were the apparent targets of the shootings,’’ saad sa resolusyon.

Kabilang sa mga menor de edad na ito ang pinaslang ng mga pulis-Caloocan nitong Agosto 16 na si Kian Loyd delos Santos, 17 anyos.

Makalipas ang dalawang araw, ayon sa resolusyon, napatay din ng mga pulis si Carl Arnaiz, 19, makaraan umanong mangholdap, habang natagpuan namang lumulutang sa sapa sa Nueva Ecija ang kasama niyang si Reynaldo de Guzman, 14 anyos.