Ni: Bert de Guzman

PINATUNAYAN ng malalaking rally at protest actions ng mga mamamayan, kabilang ang mga milenyal (kabataan), na ayaw na nila ng martial law na naranasan ng may 37 milyong Pilipino noong 1972 nang ideklara ito ni ex-Pres. Ferdinand Marcos. Nagawang takutin ni Apo Macoy ang mga mamamayan noon sapagkat hawak niya ang military sa ilalim ni AFP chief of staff Gen. Fabian Ver.

Noon lang nakaranas ang sambayanang Pilipino ng batas-militar o martial law. Ipinakulong ni FM ang mga lider-oposisyon, sinupil ang pagsibol ng kabataan, ikinandado ang Kongreso, naging inutil ang Supreme Court, ipinadlock ang mga tanggapan ng media (print, radio at TV) at sinarhan ang bibig ng malayang pamamahayag.

Para sa mga raliyista na nagtipun-tipon sa Luneta at iba’t ibang lugar sa bansa noong Setyembre 21, ika-45 anibersaryo ng martial law-ala-Marcos, ayaw na nilang maulit pa ang mapait na kabanata sa buhay ng mga Pinoy noong 1972. Ipinaalam at ipinadama nila ito kay President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) nang sa halip na kulay-dilaw o yellow ribbons ang nakita sa mga rally, ito ay napalitan ng kulay-itim at kulay-pula, mga kulay na simbolo ng protesta sa umano’y extrajudicial killings at tendensiya na ibalik ang ML. Nais ng mga raliyista at protesters na manatili ang pangangalaga sa demokrasya, civil liberties at kalayaan sa takot.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ipinamalas ng sambayanang Pilipino, mga milenyal (kabataan) at katandaan, na hindi na nila papayagan pang manumbalik ang “dark days of martial law under dictator Ferdinand Marcos” na sa pakiwari nila ay parang tinatalunton ng Duterte administration. Sina Vice President Leni Robredo, ex-Pres. Noynoy Aquino at iba pang LP stalwarts na lumahok sa mass actions, ay nagbigay-diin na hindi na dapat pang maulit ang kasaysayan ng ML ni Marcos sa panahon ngayon ni PRRD.

Pahayag ni beautiful Leni: “It is unfortunate that 45 years since the declaration of martial law, after 14 years of military rule, it seems we have not learned.” Samakatuwid, kapag hindi tayo natuto sa kasaysayan at kumuha ng aral sa lumipas, baka ang mapait, masakit at mahapding pagdurusa na naranasan noong 1972 ay muling maranasan ng ngayon ay 105 milyong Pilipino. Sina VP Leni, ex-PNoy, Roxas at iba pa na itinuturing na mga DILAWAN ay nangakasuot ng puti at iniwaksi ang kulay-dilaw na sumikat noong mapatay si ex-Sen. Ninoy Aquino at labanan sa panguluhan ni Tita Cory (a mere housewife) ang diktador na si Macoy.

Pinupuna ng mga kritiko at kalaban sa pulitika ni Mano Digong ang pagpunta ng kanyang partner (common-law wife) na si Cielito “Honeylet” Avancena sa New York kasama ang mga delegado ng Pilipinas sa United Nations. Ipinaliwanag ng Malacañang na personal ang pagtungo ni Honeylet sa New York at bilang tugon sa opisyal na imbitasyon ni US First Lady Melania Trump. Siya ay nakitang nanonood sa Broadway musical sa Manhattan. Sabi ni Presidential spokesman Ernesto Abella na si Honeylet ay nasa US “upon the invitation of Mrs. Trump”.

Nananatili ang matigas na paninindigan ni PDU30 laban sa illegal drugs. Sa kanyang pulong kay US Ambassador Sung Kim sa Malacañang, pinag-usapan nila ang mga isyu tungkol sa terorismo at illegal drugs. Umaani ngayon ng pagbatikos ang kampanya ni Pres. Rody bunsod ng pagkamatay ng ilang teenager sa kamay ng mga pulis. Sa meeting, iminungkahi ni Kim na dapat imbestigahan ang mga patayan na may kaugnayan sa illegal drugs upang masiguro ang patuloy na pagtitiwala ng mga tao sa gobyerno.