NI: Manny Villar

NAGING estratehiya ng maraming bansa, gaya ng Estados Unidos, Pransiya, Singapore at Tsina ang pagpapaunlad sa pamamagitan ng imprastruktura.

Ang estratehiyang ito ay batay sa ideya na mapapabilis ang paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga pasilidad sa komunikasyon, riles, paliparan, daungan at Internet. Sa ibang salita, ang pag-uugnay sa mga tao ay mabuti sa negosyo at sa kaunlaran ng bansa.

Ito ang dahilan kung bakit ikinagalak ko ang pagpapatibay ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa ilang malalaking proyekto sa imprastruktura upang malunasan ang pagsisikip sa mga lungsod at makatulong sa paglago ng ekonomiya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Inaprubahan din ng NEDA board at ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang lima pang pangunahing proyekto, kabilang ang Metro Manila Subway Project (MMSP), na gugugulan ng Hapon sa pamamagitan ng official development assistance. Ang proyekto, na nagkakahalaga ng P335.6 bilyon, ay inaasahang masisimulan sa unang bahagi ng 2018.

Ayon kay Secretary Ernesto Pernia, ang unang bahagi ng MMSP ay tatahak mula sa Mindanao Avenue sa Lungsod ng Quezon hanggang sa Food Terminal Inc sa Taguig at magtatapos sa Ninoy Aquino International Airport sa Parañaque.

Naniniwala ako na matutuwa sa inisyatibong ito ang sinumang nakaranas ng mala-impiyernong kondisyon ng trapiko sa Metro Manila. Laging ipinapaalala ng mga traffic engineer na ang dahilan nito ay ang pagdami ng mga sasakyan at ang hindi naman paglawak ng mga lansangan. Wala nang espasyo para sa pagtatayo ng mga flyover.

Mahalaga ang MMSP, na magiging una sa Pilipinas at pinakamahabang mass railway transit system sa bansa.

Tiniyak ng pamahalaan na walang panganib na bahain ang panukalang subway.

Alam ng marami nating kababayan na nakarating na sa ibang bansa kung gaano kahalaga ang subway sa mga dako na kulang sa espasyo. Maging ako ay humanga sa mga tren at subway sa Singapore, Hapon at Hong Kong. Kahit sa mga rush hour, sa oras na milyun-milyon ang naglalakbay sa pamamagitan ng subway, nakararating sila sa kanilang paroroonan.

Pinagtibay din ng NEDA board ang mga sumusunod na proyekto: Improving Growth Corridors in Mindanao Road Sector Project ng Department of Public Works and Highways (DPWH); Binondo-... Intramuros and Estrella-Pantaleon Bridges Construction Project ng DPWH; Lower Agno River Irrigation System Improvement Project ng National Irrigation Administration (NIA); Infrastructure Preparation and Innovation Facility of the Department of Finance (DOF).

Mahalaga ang proyekto sa Mindanao dahil ang pagpapalawak ng 40-kilometrong kalsada ay makatutulong sa pagsulong ng ekonomiya sa Mindanao.

Ang mga proyektong gaya nito ay nararapat maging kaagapay ng usapang pang-kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa kabuuan, umabot na sa 35 ang mga proyektong pang-imprastruktura ng administrasyong Duterte, na magkakahalaga ng P1.2 trilyon.

Ang mga ito ay magiging mahalagang bahagi ng pagsulong ng ating ekonomiya para sa kinabukasan.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)