Ni: Bella Gamotea

Tatlong tama bala sa ulo at katawan ang tumapos sa buhay ng isang lalaki nang pagbabarilin ng apat na hindi pa nakikilalang suspek sa tapat ng bahay nito sa Muntinlupa City, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot si Valerio Villaflor, alyas Boyet, 48, ng Manuel Street, Purok 5, Barangay Cupang ng nasabing lungsod.

Inaalam na ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng apat na suspek na pawang nakasuot ng itim na jacket at helmet at sakay sa dalawang motorsiklo.

National

'Unahan ko na kayo!' Jam Magno, kusang sumuko sa CIDG sa Butuan City

Sa inisyal na ulat ng Muntinlupa City Police, naganap ang pamamaril sa tapat ng bahay ng biktima, dakong 2:00 ng madaling araw.

Ayon sa tanod na si Arnel Loresca, nakarinig siya ng siyam hanggang 10 putok ng baril sa lugar at nang puntahan ay nasilayan niyang nakatimbuwang at wala nang buhay si Villaflor.

Napansin din umano ni Loresca ang mabilis na pag-alis ng apat na lalaki na sakay sa dalawang motorsiklong hindi naplakahan, at patungo sa Bgy. Sucat.

Sinasabing si Villaflor ay dating gumagamit ng ilegal na droga kaya isa ito sa mga tinitingnang motibo sa pamamaslang.