Binuksan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang apat na bagong Kalayaan lane, o mga express route patungo at pagkagaling sa iba’t ibang shopping destination sa Metro Manila bilang paghahanda sa inaasahang paglubha pa ng trapiko habang papalapit ang Pasko.
Ang apat na bagong ruta ay: 1. Mula sa SM North, dumiretso sa Quezon Memorial Circle, kanan sa Commonwealth Avenue, kanan sa University Ave., kanan sa C.P. Garcia Ave., kanan sa Katipunan, U-turn sa UP Town Center diretso sa C5 Road at Eastwood City, hanggang Robinsons Galleria o Greenhills Shopping Mall o kumanan sa Julia Vargas papuntang SM Megamall.
Mula sa Megamall, kumanan sa ADB Ave., diretso sa Shaw Boulevard patungong Starmall at Greenfield City. Mula sa Shaw, dumaan sa Pioneer St. papuntang SM Light Mall o Robinsons Pioneer. Mula sa C5 Road, diretso sa BGC.
Mula sa BGC, dumaan sa 32nd Ave., diretsong Kalayaan flyover patungong Makati Central Business District at SM Mall of Asia sa Buendia Ave. at Macapagal Boulevard.
2. Mula sa SM Marikina, dumiretso sa Aurora Boulevard, kanan sa Molave, kanan sa Narra Street, kaliwa sa Tindalo Street, kanan sa Anonas, kaliwa sa V. Luna, kaliwa sa East Avenue, kanan sa NIA Road, kaliwa sa BIR Road, at kaliwa sa North Avenue patungong SM North o Trinoma.
3. Mula naman sa SM Center Point, dumaan sa Aurora Boulevard patungong Araneta Ave., kaliwa sa N. Domingo, kanan sa Blumentritt, diretsong Kalentong, kaliwa sa Neptali Gonzales, kaliwa sa Coronado, at mula sa Coronado Bridge ay maaari nang dumiretso sa Makati Central Business District.
4. Kung magmumula naman sa Trinoma, kumanan sa BIR Road, kanan sa East Ave., kaliwa sa V. Luna, kanan sa Maliksi, diretso sa K. H., kanan sa Ermin Garcia, kaliwa sa Imperial St., at diretsong Gen. Aguinaldo hanggang sa Araneta Center.
Karagdagan ang apat na Kalayaan lanes na ito sa 17 Mabuhay lanes na binuksan ng MMDA noong 2010 upang makaiwas sa traffic sa EDSA. - Anna Liza Villas-Alavaren