SEOUL/TOKYO (Reuters, AP, AFP) — Nagpakawala ang North Korea ng missile na lumipad sa himpapawid ng Hokkaido sa hilaga ng Japan at bumagsak sa Pacific Ocean kahapon. Ito ang ikalawang nuclear test ng Pyongyang matapos ang pinakamalakas nitong pagsubok ng hydrogen bomb noong Setyembre 3.

Lumipad ang missile sa ibabaw ng Japan at bumagsak sa Pacific sa layong 2,000 kilometro sa silangan ng Hokkaido, sinabi ni Japanese Chief Cabinet Secretary Yoshihide Suga.

Umabot ang missile sa taas na halos 770 km at lumipad ng halos 19 minuto sa layong halos 3,700 km, ayon naman sa militar ng South Korea – kayang abutin ng distansiya nito ang Guam, ang teritoryo ng U.S. sa Pacific na 3,400 km ang layo mula North Korea.

“The range of this test was significant since North Korea demonstrated that it could reach Guam with this missile,” pahayag ng Union of Concerned Scientists.

Internasyonal

Pinay tourist sa Taiwan, nabangga ng tren habang nagpipicture

Pinakawalan ang missile mula sa Sunan, ang lokasyon ng international airport ng Pyongyang. Ipinalagay ng mga analyst na ang bagong test ay kapareho ng intermediate-range Hwasong-12 missile na pinakawalan noong Agosto.

Ikinagalit ng mga bansa ang missile test, na kapwa tinawag nina Japanese Prime Minister Shinzo Abe at U.S. Defense Secretary Jim Mattis na “reckless act.”

Nagdaos ang U.N. Security Council ng emergency closed-door meeting sa New York nitong Biyernes sa kahilingan ng United States at Japan.

Nanawagan ang U.S. sa China at Russia na gumawa ng ‘’direct actions’’ para rendahan ang North Korea.