Ni: Reggee Bonoan
KUWENTO ng aming source, bagay na bagay sa personal sina Coco Martin at Yam Concepcion, parehong beautiful people.
Kung sabagay, pati televiewers, nagugustuhan din ang tambalan nila. Kaya nga marami na rin ang followings ang ‘CocoYam’ love team dahil magaan panoorin at bagay na bagay talagang magkasama. Perfect combination, wika nga.
Kapag breaktime o bakanteng oras kasi sa set ng Ang Probinsyano ay namamasdan ng spy namin na kampanteng nagkakakuwentuhan sina Coco at Yam. Pero naririnig nila na tungkol lang sa kung anu-anong bagay ang topic, hindi napag-uusapan ang tungkol sa kanilang love life. Trabaho lang, walang personalan.
Alam naman siyempre nila sa isa’t isa na may commitment na sila sa iba -- may boyfriend ang actress at may girlfriend ang aktor. Bagay sana pero ‘di na puwede.
Sa istorya ng serye, boto kami para kina Cardo (Coco) at Lena (Yam), pero mas boto kami kung sina Coco at Julia Montes, di ba, Bossing DMB? Dahil ang tagal na nila, ‘no.
(Ang tagal nang ‘di umaamin? –DMB)
Anyway, base sa tumatakbong kuwento ngayon ng FPJ’s Ang Probinsyano ay nalalagay sa panganib ang buhay ni Cardo dahil kumalat na sa social media ang video na kasama niya ang rebeldeng grupong Pulang Araw nang sumugod sila sa isang grocery store.
Nagtagumpay si Director Hipolito (John Arcilla) na sirain ang pangalan ni Cardo sa publiko nang ipakalat nito ang video.
Ngunit titindi pa ang panganib dahil mas lumalaki ang posibilidad na masiwalat sa mga rebelde na miyembro ng Special Action Force si Cardo. Tiyak na ilalagay siya nito sa bingit ng kamatayan.
Sa kabila ng patuloy na operasyon ng mga kalaban, hindi basta-basta magpapatalo si Cardo na nadiskubre na ang pagtatraydor ni Alakdan (Jhong Hilario) sa grupo at ang makasariling plano nitong angkinin ang pagiging pinuno ng Pulang Araw. Makakasama na rin nito si Anton (Mark Lapid) sa pag-aklas na lalong magpapalaganap ng kasamaan at kikitil ng mga inosenteng buhay.
Malusutan pa kaya ni Cardo ang mga kalaban? Paano niya matatalo sina Alakdan at Anton? Magtagumpay naman kaya si Director Hipolito na tapusin si Cardo?
Abangan ang FPJ’s Ang Probinsyano gabi-gabi sa primetime ng ABS-CBN.