Ni Genalyn D. Kabiling

Maaaring mapatalsik sa Senado si Senator Antonio Trillanes IV dahil sa ipinapalagay na pasaway na pag-uugali, sabi ni Pangulong Duterte kahapon.

Napapansin ng Pangulo ang maraming kalokohang ginagawa ni Trillanes sa Senado, kabilang ang kawalan ng respeto sa mga kapwa senador nito at resource persons na inimbitahan sa mga pagdinig kamakailan.

Nahaharap si Trillanes sa ethics complaint na isinampa ni Senator Richard Gordon dahil sa alegasyon ng unparliamentary acts and language and disorderly behavior na nakasisira sa Senado at sa mamamayan. Ang posibleng kaparusahan ay reprimand, suspension o expulsion.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“‘Yan ang problema sa hindi abogado, ‘tapos pa-bright-bright, pagalit-galit, patapang-tapang. O, kita mo ‘yun, gusto ni Gordon, i-expel siya. It might come because ‘yung behavior niya talaga,” sabi ng Pangulo sa media interview sa Taguig City kahapon.

“Look at his crazy thing—his many antics diyan sa Senado—calling the senators by name, insisting on a question that is not really relevant or not allowed to be asked,” aniya.

Minaliit din ni Duterte ang kahusayan ni Trillanes bilang mambabatas, at sinabing wala umano itong masyadong nalalamang legal terms tulad ng “right to silence” tulad ng nakita sa mga nakaraang pagdinig sa Senado.

Tinalakay niya ang patuloy na pagtatanong ni Trillanes sa kanyang anak, si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte kahit nag-invoke na ito ng constitutional right to silence nang dumalo sa Senado noong nakaraang linggo.

Matatandaang inakusahan ni Trillanes ang batang Duterte na umano’y miyembro ng organized crime syndicate batay sa umano’y tattoo sa likod nito. Inamin ng vice mayor na mayroon siyang tattoo sa likod pero tumangging ipakita ito sa publiko sa pag-invoke ng right to privacy.

“Get your evidence somewhere else. Do not get it from my mouth. Bakit ako ang gamitin mo, sarili ko? Loko-loko ka ba?” sabi niya.

Hindi rin pumayag si Pangulong Duterte na pumirma ng waiver para sa kanyang bank accounts upang pabulaanan ang alegasyon ni Senator Trillanes na mayroon siyang unexplained wealth.

“If Trillanes wants to finds something of fault with me. Tell him, ‘Go somewhere else and fly a kite,’” sabi ni Duterte. “No one is allowed to make any adverse inference for some guy using his constitutional right. Wala. You cannot draw anything. You cannot infer, you cannot imagine anything bad, because it is sacred.”

Inakusahan ni Trillanes ang Pangulo na mayroong sekretong bank accounts na naglalaman ng bilyun-bilyong piso.

Itinanggi ito ni Duterte at sa halip ay binalikan ng akusasyon si Trillanes na siyang mayroong kaduda-dudang foreign bank accounts.

Pinabulaanan ng senador ang mga akusasyon ni Duterte at nag-isyu ng ilang bank secrecy waivers na magpapahintulot sa mga awtoridad na pabulaanan ang mga akusasyon. Hinamon din niya ang Pangulo na gayahin ang ginawa niya.

“Why would I give you the pleasure? Kung gusto siyang maghanap, ‘di maghanap siya. Bakit niya ako damayin?” sabi niya.

Sa ngayon, inihahanda ng gobyerno ang kaso laban sa senador na aniya’y “perfected the art of crime.”

Bukod sa hidden wealth charges, sinabi ng Pangulo na nahaharap din si Trillanes sa alegasyon ng maling paggamit ng Disbursement Acceleration Program noong panahon ng Aquino administration.

“He has a DAP problem. Believe me, he has,” sabi niya.