Ni FER TABOY
Inihayag kahapon ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) ang pagkakaaresto kay Puerto Princesa Vice Mayor Luis Marcaida III, makaraang salakayin ang bahay nito sa Barangay Bancao-Bancao, Puerto Princesa City sa Palawan.
Ang pagsalakay ay pinangunahan ni Supt. Enrico Rigoros, sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), makaraang isilbi ang search warrant na ipinalabas ni Judge Reynaldo Alhambra, ng National Capital Region.
Ayon kay Rigoros, nakumpiska umano mula kay Marcaida ang 30 plastic sachet ng shabu na itinago sa likod ng portrait ng opisyal na nakabitin sa dingding sa bahay nito.
Nakarekober din umano ang pulisya ng isang .22 caliber na baril.
Sinabi ng mga awtoridad na kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) si Marcaida.
Depensa naman ng bise alkalde, isang lalaki na nakasuot ng bonnet ang pumasok umano sa kanyang bahay bago dumating ang raiding team na umaresto sa kanya.
Nakapiit ngayon si Marcaida sa himpilan ng PNP-DEG at kakasuhan ngayong Martes.