Ni: Marivic Awitan

NAWALA man ang coach na tumapos sa anim na dekada nilang title drought, isa ring champion coach ang gagabay sa National University ngayong UAAP Season 80.

Nagbitiw na si coach Eric Altamirano, tumapos ng pagkauhaw sa titulo ng Bulldogs, at ang pumalit ay isa ring champion coach sa katauhan ni Jamike Jarin, gumabay sa San Beda College sa nakalipas na season.

Inaasahang mamumuno ngayon para sa kampanya ng NU ang naiwang beteranong guard na si Jayjay Alejandro na siyang itinalagang bagong skipper ng koponan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Kaya ko naman siguro. Nandyan naman yung coaches and teammates ko so lahat, tulong-tulong lang kami,” pahayag ni Alejandro.

Buhat sa pagiging half court team, ilalarga ni Jarin ang run-and-gun system na siyang istilo ng bagong mentor.

“Sa nakaraang mga seasons, kilala kami as a halfcourt team. Ngayon naman, 40 minutes of hell kami. Talagang takbuhan, iyun ang gusto ni coach,” paglalahad ni Alejandro.

“Coach Jamike will be pressing us for 40 minutes so we’re gonna cause chaos,” dagdag naman ng beteranong si Matt Salem na inaasahang makakatuwang ni Alejandro bilang lider ng team.

Kayang -kaya naman ng Bulldogs ang ganitong istilo dahil maraming mga batang manlalaro ang koponan kabilang na ang Senegalese at 6-foot-10 center na si Issa Gaye, pointguard Enzo Joson, at forward Jonas Tibayan.