PINATATAG ng San Beda ang kampanya na maidepensa ang korona nang gapiin ang title-contender Lyceum of the Philippines University, 2.5-1.5, nitong Sabado para makausad sa Final Four matapos ang ikapitong rounds ng NCAA Season 93 chess competition sa LPU Auditorium.

Nanaig sina FIDE Master Mari Joseph Turqueza at McDominique Lagula sa unang dalawang board laban kina Jonathan Jota at Romula Curioso, Jr., ayon sa pagkakasunod, habang naitabla ni Marc Christian Nazario ang laban kay Jhoemar Mendiogarin sa board three.

Tanging si Virgen Gil Ruaya ang nakapagtala ng panalo sa Pirates nang gapiin si Bryan Barcelon sa fourth board.

Bunsod nang panalo, nasiguro ng Lions ang unang slot sa Final Four tangan ang kabuuang 24 match points at posibleng makuha ang twice-to-beat advantage kung mapapanatili ang puwesto sa top 2 sa pagtatapos ng single-round elimination.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Binokya ng St. Benilde ang Perpetual Help, 4-0, para makopo ang No.2 spot tangan ang 20.5 puntos, kalahating puntos ang layo sa LPU na may 20 puntos.

Ginapi naman ng Arellano University ang Emilio Aguinaldo, 3-1, mula sa panalo nina Don Tyrone delos Santos, Carlo Caranyagan at Jeremy Parado sa boards one, two at four para sa kabuuang 17.5 puntos.

Sa juniors’ division, nagwagi ang LPU kontra solo leader San Beda, 3-1, para buhayin ang kampanya sa Final Four.

Kunuha nina Earl Rhay Mantilla, Joshov Alekhine Rosardo at Jan Darryl Batula ang panalo para makumpleto ang panalo ng Junior Pirates na umusad sa ikalimang puwesto na may 14.5 puntos, dalawang puntos ang layo sa Arellano U at Perpetual Help na may tig-16.5 puntos.

Nangunguna ang San Beda na may 20 puntos.