Ni: ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, May ulat ni Beth Camia

Inihayag ng Malacañang na handa sina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw na si Atty. Manases Carpio na tumestigo sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa P6.4-bilyon shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs (BoC).

Gayunman, sinabi ng Malacañang sa isang pahayag na binasa sa Radyo Pilipinas na dahil sa pagbawi ng whistleblower na si Mark Taguba sa nauna niyang pagdadawit sa mga kaanak ni Pangulong Rodrigo Duterte ay wala nang silbi ang pagharap ng dalawa sa pagdinig ng Senado sa usapin.

“There may be no reason for the Senate investigative panel to call the two individuals to attend any hearing in Metro Manila, although they have indicated willingness to testify,” saad sa pahayag na binasa kahapon ng umaga ni Assistant to the Presidential Spokesperson China Jocson.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Gayunman, sinabi ng Palasyo na patuloy nitong inirerespeto ang Senado bilang co-equal branch ng ehekutibo.

“The legislature is a co-equal branch of the government, and the Executive branch respects the Senate’s independence.

We trust its wisdom on this matter,” ani Jocson.

Matatandaang binanggit ni Taguba ang pangalan ng bise alkalde at ni Carpio, asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, sa pagdinig ng Kongreso sa paglusot sa BoC ng P6.4-bilyon shabu noong Mayo 2017.

Binanggit ni Taguba ang isang “Tita Nani” na umano’y nakilala niya sa pamamagitan ng “Davao Group” nang hilingin ng mga mambabatas na pangalanan niya ang mga personalidad na sangkot sa suhulan sa BoC. Suportado umano ang grupong ito ng isang “Vice Mayor”.

Nitong Biyernes, nilinaw ni Taguba sa isang pahayag na walang kinalaman ang magbayaw sa usapin, at humingi ng paumanhin sa pagbanggit sa pangalan ng mga ito sa Senate inquiry.

Una nang nagpahayag si Senator Antonio Trillanes IV ng kagustuhang ipatawag sa pagdinig ng Senado ang mga kaanak ng Pangulo “[to] ferret out the truth”. Inakusahan din ni Trillanes sina Paolo at Mans ng pakikipagkita kay dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.

Ipinagtanggol naman ni Pangulong Duterte nitong Biyernes ang kanyang anak at manugang at hinamon si Trillanes na maglabas ng matibay na ebidensiya na magpapatunay na dawit sa anomalya sa BoC ang dalawa.

Paliwanag ng Pangulo, ipinaalam sa kanya ni Mayor Sara nang kunin ng Mighty Corporation na abogado ang asawang si Mans kaugnay ng tax evasion na kinahaharap ng kumpanya.

Ayon sa Presidente, pinayagan niya ang manugang dahil ginagawa lamang umano nito ang trabaho bilang abogado.

Ilang beses nang sinabi ng Pangulo na handa siyang magbitiw sa puwesto kapag napatunayang sangkot siya, o sinuman sa kanyang mga anak, sa katiwalian.