Ni: Marivic Awitan
GINAPI ng defending champion San Beda College ang Mapua University, 3.5-.5, upang lalong tumatag sa kanilang pamumuno matapos ang anim na round ng 93rd NCAA chess competition sa Lyceum of the Philippines University Auditorium.
Nagsipagwagi sina FIDE Master Mari Joseph Turqueza, Marc Christian Nazario at Prince Mark Aquino sa boards 1-3 habang nakapuwersa naman ng draw si Bryan Barcelon kay Christian Dave Cabida sa board 4 upang makamit ang panalo.
Natipon ng Red Lions na 21.5 puntos, may 3 puntos na kalamangan sa pumapangalawang Lyceum na may 18.5 puntos makaraang tumabla sa College of St. Benilde, 2-2 sa kanilang 6th round match.
Pumapangatlo naman ang Blazers na mayroong 16.5 puntos.
Tinalo ni Jonathan Jota si Prince Kenneth Reyes sa top board para sa Pirates habang iginupo ni Nelson Busa, Jr. si Walt Allen Talan sa board 2 upang makatabla ang Blazers.
Naka-draw naman sina Romulo Curioso, Jr. at Virgen Gil Ruaya ng Lyceum kina Daryl Unix Samantila at Hans Christian Balingit sa lower boards.
Samantala sa juniors division , pinataob ng San Beda ang Mapua, 2.5-1.5, upang manatiling nangingibabaw taglay ang 19 puntos, may 2.5 puntos ang lamang sa pumapangalawang Letran na namayani naman sa Arellano University, 2.5-1.5.