Nina JEL SANTOS, ORLY BARCALA, at FRANCIS WAKEFIELD
“Sana huwag mangyari sa pamilya nila ang ginawa nila sa anak ko, para hindi nila maramdaman ang sakit ng mawalan ng anak.”
Ito ang umiiyak na mensahe ni Saldy delos Santos, 49, kahapon, sa misa sa Sta. Quiteria Church ilang oras bago ilibing ang 17-anyos niyang anak na si Kian Loyd, sa tatlong pulis-Caloocan City na sangkot sa pagpatay sa kanyang anak sa isang anti-drug operation sa siyudad nitong Agosto 16.
Nanindigan din ang naulilang ama na mabait ang kanyang anak, at hindi nito deserved ang sinapit na kamatayan.
“Mula ala-sais ng umaga ay gumigising na po ang anak ko inilalatag na niya ang paninda naming school supplies.
Nagtitinda sa harap ng tindahan namin kaya buong barangay ay kilala siya kung gaano siya kabait,” kuwento ni Saldy.
“Pagdating ng alas-dose, ako naman ang papalit sa kanya. At pagdating niya ng ala-siyete ay tutulong pa rin siyang magligpit. Paano papasok ang droga sa pamilya ko? ‘Di ba napakalabo?”
Sinabi naman ni Caloocan Diocese Bishop Pablo Virgilio “Ambo” David na hindi lamang ang maraming Pilipino ang lumuluha sa paglilibing kahapon kay Kian, kundi maging ang langit.
“Hindi lang ang pamilya ninyo ang lumuha, kaninang madaling araw ay lumuha rin nang husto ang langit—tulad n’yo ay lumuluha rin ang Diyos Ama,” ani David.
“Aling Lorenza at Mang Saldy, hindi ho kayo nag-iisa. Naririto rin ang mga ibang namatayan din ng anak. Inanyayahan po namin ang mga kaanak ng iba pang biktima ng pamamaslang dahil sa giyera sa droga,” dagdag pa ng obispo.
4-ORAS NA FUNERAL MARCH
Daan-daang katao ang nakiisa kahapon, kasama si Fr. Robert Reyes, ilang madre, at ang mga militanteng grupong Karapatan at Bayan, sa apat na oras na funeral march para kay Kian hanggang sa La Loma Cemetery. Karamihan sa nakipaglibing ay may suot na T-shirt na naiimprentahan ng “Justice for Kian!”
Panandaliang huminto ang prusisyon sa harap ng Police Community Precinct (PCP)-7, kung saan nakatalaga ang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa binatilyo, at sandaling nagdasal sa harap ng presinto.
Sinibak na sa tungkulin at kinasuhan na rin ng murder at torture ang mga pulis na sangkot sa insidente: sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremiah Pereda, at PO1 Jerwin Cruz, gayundin ang hepe nilang si Chief Insp. Amor Cerillo.
Sinibak din sa puwesto sina dating Caloocan Police chief Senior Supt. Chito Bersaluna at dating Northern Police District (NPD) director Chief Supt. Roberto Fajardo habang isinasagawa ang imbestigasyon ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) at National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso.
Gabi ng Agosto 16 nang patayin makaraang manlaban sa mga pulis si Kian, na umano’y isang drug courier, sa anti-drug operation sa Barangay 160.
Sa Senate hearing nitong Huwebes, inamin ng mga pulis na sa social media (Facebook) nila inimbestigahan ang tungkol sa pagkakasangkot ni Kian sa droga, makaraan nilang mapatay ang binatilyo.
Nanawagan naman ang PNP sa mga kritiko na hayaang maisagawa ang pormal na imbestigasyon at huwag munang husgahan ang kaso kasunod ng komento ni United Nations Special Rapporteur Agnes Callamard na “murder” ang pagkamatay ni Kian.
Nanawagan din ng masusing imbestigasyon si Callamard sa insidente at sa “all unlawful deaths” sa Pilipinas.
“Yes, Pent Duterte, this is murder. All unlawful deaths must be investigated. To stop all murderers,” ani Callamard.