Ni: Joseph Jubelag
GENERAL SANTOS CITY – Nakumpiska ng mga awtoridad nitong Biyernes ang nasa P1.3 milyon halaga ng ilegal na droga sa magkahiwalay na anti-drugs operations sa South Cotabato at Sultan Kudarat.
Inaresto ng mga pulis ang dalawang umano’y high-profile drug trafficker na nahulihan ng nasa P1.1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa drug bust sa Koronadal City, South Cotabato.
Kinilala ni Chief Insp. Jomero Sentinta, Koronadal City Police deputy chief, ang mga naaresto na sina Ver Gil Hurtado, 35; at Mark dela Cruz, 37, na sinasabing nasamsaman ng P1.1 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust sa Barangay Santo Niño.
Ayon sa pulisya, miyembro umano sina Hurtado at dela Cruz ng isang big-time drug syndicate na kumikilos sa Koronadal at mga karatig lugar.
Samantala, dinakip naman ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang kasapi ng Moro National Liberation Front (MNLF) at kasabwat nito sa isang buy-bust operation sa Esperanza, Sultan Kudarat.
Ayon kay PDEA Regional Director Cesario Gil Castro, katuwang ang mga operatiba ng Esperanza Police ay inaresto nila sina Bryan Sapad, miyembro ng MNLF; at Ryan Dalgan sa Bgy. Laguinding sa Esperanza, at nakumpiskahan umano ng P300,000 halaga ng hinihinalang shabu.
Sinabi ni Castro na kabilang sina Sapad at Dalgan sa mga high-value drug trafficker sa Sultan Kudarat.