Ni ORLY L. BARCALA

Isang pulis ang dinukot ng dalawang lalaki, na hinihinalang mga pulis din, sa Caloocan City nitong Huwebes.

Kinilala ang biktima na si PO1 Regalado Reyes, nakatira sa Barangay 135 ng nasabing lungsod, nakatalaga sa Police Patrol Action Unit ng Valenzuela Police Station.

Sa closed-circuit television (CCTV) footage ng Barangay 135, Caloocan City, may dalawang lalaki na umiinom ng soft drinks sa isang tindahan sa Arellano Street, Bgy. 135, bandang 5:00 ng hapon.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Inilarawan ang isa sa dalawang lalaki na nakasuot ng dirty white shorts, asul na t-shirt at may bitbit na bag na umano’y baril ang laman.

Ang isa naman ay nakasuot ng pantalon na maong, green na t-shirt at may dala umanong armalite na ibinalot sa damit.

Hinabol at hinarang ng mga suspek ang dumaan na pulang sasakyan na kinalululanan ni Reyes.

Ayon kay Barangay 135 Chairman Johnny Juanito Ramat, tinutukan ng baril ng mga suspek ang biktima at sapilitang isinakay sa Toyota Avanza (ZJH-145), na sinundan ng puting kotse.

Pagsapit sa EDSA, Caloocan City, tumirik ang sasakyan ng mga suspek kaya napilitan silang abandonahin ito, ngunit tinangay pa rin ng mga ito si Reyes.

Sa pagresponde ng awtoridad sa inabandonang sasakyan, narekober ang iba’t ibang plaka ng sasakyan at mga patalim.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.